Rights of Nature, isyu ng wika, POs, NGOs, gawaing pagsasalin at KWF

RIGHTS OF NATURE, ISYU NG WIKA, POs, NGOs, GAWAING PAGSASALIN, AT KWF
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Marso 2023 ay dalawang seminar hinggil sa Rights of Nature ang aking dinaluhan. Ang una'y ang dalawang araw na kumperensya ng Commission on Human Rights (CHR) at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) hinggil sa Dignity and Rights for ALL noong Marso 14-15, 2023. Ang ikalawa'y ang Rights of Nature General Assembly (RoN GA) noong Marso 21-23, 2023. Kapwa ko dinaluhan iyon sa pamamagitan ng zoom, at nag-participate, bagamat may face-to-face. 

Sa ikatlong araw ng RoN GA, habang kinikritik at ineedit ng mga dumalo ang inihandang pahayag na nakasulat sa Ingles, dito'y narinig kong muli sa isang katutubo ang usaping wika. Sinabi niyang hindi nila maintindihan ang ginagawang pahayag sa RoN GA dahil nakasulat sa Ingles. Kaya sinabi na lang niya ang hinaing ng mga katutubo.

Sa isa pang naunang artikulo ay nabanggit ko ang pangangailangan ng isang ahensya ng gobyerno na mungkahi ko'y maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng mga batas ng bansa na nakasulat kadalasan sa wikang Ingles. Dahil naloloko ang mga katutubo dahil lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Halimbawa ng dapat isalin ay ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) upang mas maunawaan pa ng mga katutubo, ang Safety Spaces Act para sa mga kababaihan, at ang UDHA (Urban Development and Housing Act) para sa mga maralita. Gumawa ng sariling salin ng UDHA noon ang KPML upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. 

Bukod sa mga batas na nauna na nating naipahayag sa isang artikulo, dapat pati mga IRR o  Implementing Rules and Regulations ng bawat batas ay isalin din sa wikang Filipino, pati na sa wika ng mga rehiyon, tulad ng Ilokano, Igorot, Kapampangan, Ilonggo, Cebuano, Meranao, at iba pa. At ang ahensyang opisyal na tagasalin dapat ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino.  At  bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Isa pa, saan mang  pagtitipon, gaya ng RoN GA, ay hindi naman sa wikang Filipino nakasulat ang mga dokumento, kundi laging nasa Ingles. Ito kasi ang nakagisnan nating wika ng akademya, wika ng umano'y may pinag-aralan, ng elitista, ng makapangyarihan sa lipunan, habang ang wikang Filipino ang wika ng karaniwang tao, tulad ng maralita, manggagawa, mahihirap sa iskwater, atsay, pulubi, o marahil ay walang pinag-aralan. Paano pa ang mga katutubo na may sariling kultura at pinag-aralan, ngunit hindi wikang Ingles ang gamit kundi sariling wika? 

Ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Ibig sabihin, ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Simulan natin ito sa mismong hanay natin. Pagdating sa mga batas ng bansa, dapat ang KWF ang maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino. Habang sa mga POs (people’s organizations) at NGOs (non-government organizations), dapat pag-usapan din ang pagsasalin sa sariling wika ng mga dokumentong ating ipinababasa sa madla. Hindi lang sa wikang Filipino kundi sa wika rin ng mga rehiyon, na nabanggit na natin sa unahan. Paano ang mekanismo upang nagkakaisa tayo sa pagsasalin ng mga dokumento sa wikang nauunawaan ng mas higit na nakararami? Huwag nating hayaang ituring na bakya ang ating wika, ang wikang Filipino. Bagkus ay paunlarin pa natin ito, di lang sa pasalita kundi maging sa mga dokumento, kahit  thesis pa iyan sa pamantasan.

Maraming salamat sa katutubong Dumagat-Remontado na dumalo sa RoN at naihayag niya ang usaping wika. Dahil may batayan na ang tulad kong makata upang payabungin at itaguyod ang pagsasalin at pagsusulat sa sariling wika para sa at kagalingan ng higit na nakararami.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 14-15

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi