Tabearuki

TABEARUKI

huwag raw kumain habang naglalakad sa daan
pag nasungabâ o nadapâ ka'y mabilaukan
tapusin muna ang kain sa tabi ng lansangan
o bago umalis doon sa iyong pinagbilhan

salitang Hapon ang tabearuki, unawain
tawag nila sa paglalakad habang kumakain
sa kanilang bansa'y huwag mo raw itong gagawin
upang malayo sa disgrasyang baka kaharapin

dito ngâ, madalas isagawâ, Pilipinas pa
bibili ng taho, sago-gulaman, bola-bola
at kakainin agad nila iyon sa kalsada
sa trabaho'y nagmamadaling makapagmeryenda

naghahabol ng oras, sa break na kinse minutos
basta naramdamang gutom ay agad mairaos
karamihan nga'y nagta-tabearuki ng lubos
buti't maraming tindang tingi't mayroong panggastos

ah, tabi ka muna't arukin ang tabearuki
baunin o kainin na ang pagkaing binili
huwag sa paglalakad kundi kumain sa tabi
ng daan kung gutom na, huwag mag-tabearuki

- gregoriovbituinjr.
05.21.2023

* litrato mula sa isang fb page

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi