ANG TULA SA RALI minsan, may kredibilidad din ang nilikhang tula pag kasama sa pakikibaka ng manggagawa pag nakikipamuhay sa magsasaka't dalita at sa Mendiola'y binibigkas ang tulang kinatha madalas, may handa na akong tulang bibigkasin isang araw bago ang rali, paksa'y aalamin anong linya't tindig sa isyu, iyon ang sulatin bagamat bawat tula ko'y may tugma't sukat pa rin di ko pupurihin sa tula ang kapitalista kundi ilantad ang kanilang pagsasamantala di ko pupurihin ang tula sa kapitalista kundi ilahad ang nasang panlipunang hustisya iyan ang papel kong mahalagang ginagampanan nasa rali man, nasa komunidad o saanman ako'y makatang adhika'y makataong lipunan at pagtula ko sa rali'y pagsisilbi sa bayan - gregoriovbituinjr.
ang sarili mo'y huwag mong ituring na kawawa dahil tingin mo'y wala kang itsura lalo't dukha dahil turing mo sa sarili'y isang hampaslupa may itsura nga iyang kaldero, ikaw pa kaya sabi ng nanay mo, guwapo ka kahit maitim aniya, para kang rosas na kaysarap masimsim sabi pa, ikaw ang liwanag sa gabing kaydilim ganyan ka ipagtanggol ng nanay mong naninimdim may itsura ka, lalo na't puso mo'y anong ganda mag-ayos ka't magsuklay ng buhok, magsipilyo ka maligo ka, magdamit ka, at magpabango ka pa at gupitin mo rin ang kuko sa kamay mo't paa labhan mong maigi ang damit mo nang di bumantot kusuting maigi ang pantalon mong isusuot ang polo o blusa mo'y plantsahin upang di gusot ang kutis mo'y alagaan nang di kamot ng kamot kaya huwag mong kaawaan ang iyong sarili magtiyaga ka lamang, magsipag at magpursigi baka sa pagsisikap mo'y may isang mabighani ang sipag mo't tiyaga ang sa kanya'y bumalani - gregbituinjr.
mabuti pang tumula kaysa uminom sa labas o tumutula habang umiinom pa sa labas masarap ang serbesa o alak galing sa ubas o kaya'y sa diwang kumakatha'y nagpapalakas ayokong matulad sa ibang araw-gabi'y tagay pagkat di ako lasenggo o lasenggerong sablay mas nais kong kumatha habang ako'y nagninilay kaysa ngala-ngala't panga, kamay na ang mangalay kung sakaling ikaw ang sigang sa akin sisira o ikaw ang mutyang sa akin nagpapatulala nais mo bang tumagay tayo habang tumutula o mas nais mong tumula habang tagay pa'y wala nakakagawa ba ng saknong ang bawat serbesa mga likhang taludtod ba'y nagsisilbi sa masa sa bawat pantig ba'y may pintig ng pakikibaka tula ko ba'y ambag upang mabago ang sistema mabuti pang tumula kahit na nakatunganga at naglalaro ang isip habang nakatingala minsan hawak ang serbesang nagpaikot ng diwa habang tanaw yaong along nagpalikot ng sigwa - gregbituinjr.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento