Nakaligtas sa 'salvage'

NAKALIGTAS SA 'SALVAGE'

sa ulat, dinukot ng mga suspek ang biktima
pinagbabaril, sa puting S.U.V. inilulan
at ang biktima'y itinapon sa gilid ng daan 
nagpatay-patayan kaya sa 'salvage' nakaligtas

ang 'salvage' ay di Ingles na ibig sabihin ay 'save'
kundi salitang nagmula sa Kastilang 'salvaje'
ibig sabihin, biktima'y talagang sinalbahe
na buong pagkatao'y pinuntirya ng salbahe

marahil ang apat na suspek ay inutusan lang
dahil baka biktima'y marami nang nalalaman
o baka biktima'y kasama sa mga kalaban
sa mga gaya nila'y mayroon palang digmaan

di natin alam, batay lang sa nabasang balita
sa pahayagan, biktima'y nakaligtas pang sadya
pag-'salvage' ay gawaing di patas, kasumpa-sumpa
pamilya ng biktima'y tiyak tigib ang pagluha

- gregoriovbituinjr.
09.10.2023

* balita mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Setyembre 9, 2023, pahina 1 at 9

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi