Do or Door

DO OR DOOR

pumasok ka sa pinto o lumabas
subalit huwag lamang sa bintana
ika nga, DO OR DOOR, aba'y ang angas
di DO OR DIE ang nalikhang salita

pariralang nabuo sa Word Connect
na paborito ko laging laruin
upang makapahinga yaring isip
sa paglipad doon sa papawirin

gagawin ko ang pinto, pintong kahoy
at lalagyan ng bisagra sa gilid
gagawin ko kahit na kinakapoy
natutunan sa Wood Work na'y magamit

bumabagyo, may pantabing sa lamig
bukod sa balabal, kurtina't kumot
pinto'y pantabing sa nangangaligkig
na ang ginaw sa balat nanunuot

mas mabuting may pinto kaysa wala
upang di mapasok ng magnanakaw
lalo na't tulog sa gabing payapa
o kahit tirik pa ang haring araw

- gregoriovbituinjr.
07.24.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi