Wala mang pera sa tula

WALA MANG PERA SA TULA

oo, walang pera sa tula
ang marami'y lumbay at luha
ang marami'y kawawang dukha
na inilalarawan ko nga

huwag mong hanapin sa akin
na sa pagtula'y yayaman din
wala ako sa toreng garing
kundi nasa kumunoy pa rin

na sinusubukang umahon
kaysa naman malunod doon
kayraming danas ng kahapon
na turing sa dukha'y patapon

ngunit ang dukha'y may dignidad
tulad ng makatang naglahad
na bagamat dukha'y masikap
buhay nila'y di umuunlad

kung sa pagtula'y walang kita
itong makatang aktibista
pagsisilbi ang mahalaga
sa bayan, sa uri, sa masa

tinutula ang adhikain
ng manggagawang magigiting
ng maralitang kaysipag din
upang ginhawa'y ating kamtin

- gregoriovbituinjr.
07.18.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi