Di mapipigilan ng tulâ ang punglô

‎DI MAPIPIGILAN NG TULÂ ANG PUNGLÔ

“A poem cannot stop a bullet. A novel can't defuse a bomb. But we are not helpless. We can sing the truth and name the liars.” ~ Salman Rushdie
‎di mapipigilan / ng tulâ ang punglô
‎na tama rin naman / pag iyong natantô
‎gusot sa pagitan / ng magulong mundô
‎ay dapat ayusin, / maplantsa nang buô
‎di makakakalas / ng mitsa ng bomba
‎ang mahabang kathâ / nitong nobelista
‎subalit di tayo / kulangpalad, dusta
‎pagkat tayo pa ri'y / may magagawâ pa
‎ang katotohana'y / maaawit natin
‎mapapangalanan / yaong sinungaling
‎di tayo kawawà, / marapat ay gawin
‎sa ikabubuti / ng lahat sa atin
‎tutulan ang digma / ng imperyalismo
‎na dahilan kayâ / tumaas ang krudo
‎ang buhay ng kapwa'y / dapat irespeto
‎ngunit ikulong 'yung / korap sa gobyerno
‎mula sa panulat / ni Rushdie na sikat
‎ay itinulâ ko / ang isiniwalat
‎tumula't tumudlâ / nang makapagmulat
‎akong inyong lingkod / gamit ang panulat 
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.14.2026

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Sa huling araw ng Hunyo

Kaligtasan

Ang buwan