Mga Post

Pag naputukan sa Bagong Taon

nakatingin ako sa kawalan habang doon ay nagpuputukan mawawalan ng daliri'y ilan dahil sa labintador na iyan sa ospital ba'y sinong tututok iyon bang binilhan ng paputok at sinong magbabayad sa turok at gamot kung walang naisuksok hahayaan ka ng pinagbilhan wala raw silang pananagutan di raw naman nila kasalanan pag daliri mo na'y naputukan aba'y nabentahan ka na nila masaya na't tumubo na sila walang paki pag nadisgrasya ka nang maputol ang daliri, huwaaa! - gregbituinjr.

Maghalo man

maghalo man ang balat sa pinagtalupan maghalo man ang laway sa pinaghalikan maghalo man ang tamod sa pinagsalsalan maghalo man ang bala sa pinagbarilan maghalo man ang damo sa pinagtabasan maghalo man ang buhok sa pinaggupitan maghalo man ang alak sa pinagtagayan maghalu-halo tayo't Bagong Taon naman - gregbituinjr.

Doble Bente

DOBLE BENTE (tulang akrostiko) Dumatal ang Bagong Taon na animo'y pag-asa Oo, sinalubong ito ng dukhang nagdurusa Bagong umagang nawa'y may panlipunang hustisya Lalo't naglipana pa rin ang mapagsamantala Eto'y simula ng panibagong pakikibaka Bagong taon ba'y pag-asa o bagong petsa lamang? Espesyal na petsa o tayo lang ay nalilinlang Ng komersyalismo ng mga tuso't salanggapang Tubong limpak ng kapitalistang nakikinabang E, tayong maralita'y sa hirap pa rin gagapang - gregbituinjr.

Noon, tinagurian akong makata ng lumbay

noon, tinagurian akong makata ng lumbay dahil tinula'y pawang katotohanan ng buhay dahil pulos kasawian ang kinakathang tunay dahil sa kawalang hustisya't sa bala nabistay dahil maraming inakdang pahimakas sa patay minsan, tinaguriang makatang proletaryado dahil inilalahad ang niyakap na prinsipyo dahil tinutula ang buhay ng dukha't obrero dahil katha'y laban sa sistemang bulok sa mundo dahil akda'y tumutuligsa sa kapitalismo ang karaniwang taguri'y makatang aktibista dahil tula karaniwa'y nagsisilbi sa masa dahil nananawagang baguhin na ang sistema ngayon, makata'y ikinasal, nakapag-asawa kaya naging makata ng puso sa sinisinta ang makata'y patuloy pa rin ngayong kumakatha para sa kalikasan at kilusang lunting diwa para sa manggagawa, ang hukbong mapagpalaya para sa ipinaglalaban ng kilusang dukha araw-gabi'y may akda, tumutula, kumakatha - gregbituinjr.

Paglalaba'y panahon ng pagkatha

paglalaba'y panahon ng pag-iisip ng akda samutsaring isyu't problema'y suriin ng diwa kukusutin ang kwelyo'y may sasaglit sa gunita habang dumi ng manggas ay kinukusot nang kusa nilagyan ng sabon ang damit bandang kilikili habang nagkukusot, ang nasa diwa'y binibini labandero man ako'y isang tunay na prinsipe dadalhin ko sa kaharian ang mutyang babae ang puti at dekolor ay dapat paghiwalayin pati ang tula't pabula'y dapat ding pagbukurin nasa barong kinukusot ang aking kakathain nakintal sa diwa'y damit na gusot at gusgusin kwento'y nalilikha kahit pawis na'y gumigiti habang labada'y binabanlawan nang nakangiti ako'y magbabarong sa aking pagtatalumpati habang binibilad sa arawan ang barong puti sa diwa'y nagsusulat kahit pa nasa bilaran tula'y inuugit sa isipan, nagbabanlaw man kakathang nakatitig sa makulay na sampayan akda'y matatapos pag sinampay na'y maarawan - gregbituinjr.

Pag tumagas ang dugo mo, O, maralita

pag tumagas ang dugo mo, O, maralita ito'y isang pasakit sa ina't gunita tinotokhang ka kahit na magmakaawa bakit binibira ang walang labang dukha nais mo'y wastong proseso't may paglilitis kung may sala'y hatulan, huwag tinitiris kung may kasalanan, sa piitan magtiis huwag lang kitlin ang buhay, proseso't boses di balang tagos sa puso ng sambayanan na dulot ay takot, kawalang katarungan maysala'y walang sala pag di nahatulan kung maysala, ang magpapasiya'y hukuman ang paglaban sa droga'y di dapat mabigo wasto lamang na droga'y tuluyang masugpo subalit paglabang ito'y bakit madugo at bakit puntirya'y laging sa dukhang bungo "at ang hustisya ay para lang sa mayaman" anang isang awit pag iyong pinakinggan O, dukha, wala kang hustisyang panlipunan kaya baguhin na ang bulok na lipunan! - gregbituinjr.

Ubo at antok

ubo pa, ubo, ubo ito'y isang insulto pag mga kausap mo sa pulong ay seryoso pag may ubo'y kayhirap lalo na't may kausap pagkat di mo maharap lunas tila kay-ilap panay na ang hikab mo ito'y isang insulto pag mga kaharap mo sa usapan seryoso antok na di mawala hikab na nginangawa natutulog ang diwa sa pulong nitong dukha - gregbituinjr.

Pag may karamdaman

sabi ng isang patalastas: "Bawal magkasakit!" dahil karamdaman madalas nakakabuwisit pagkat di mo na magawa ang pangako sa paslit di makatrabaho pag pakiramdam ay mainit kung may karamdaman: ""Huwag mahihiyang magtanong!" damang sakit ay itanong sa duktor na marunong napapaso ang puso sa nadaramang linggatong di agad malunasan lalo't masakit ang tumbong kaygandang patalastas ng botikang binilhan ko sabi: "Nakasisiguro, gamot ay laging bago!" sigurado bang gaganda ang kalusugang ito? pag inom ng gamot ba'y hupa ang sakit ng ulo? uminom ng gamot upang sakit ay malunasan kumain ng gulay upang lumusog ang katawan lumagok ng maraming tubig at dapat pawisan maglakad-lakad upang bumuti ang kalusugan - gregbituinjr.

Di ako nasa kilusan para lang magtrabaho

di ako nasa kilusan para lang magtrabaho narito ako dahil niyakap ko ang prinsipyo't diwa ng kilusang mapagpalaya't sosyalismo kumikilos upang sistemang bulok ay mabago di ako nasa kilusan para lang magkasahod narito ako upang sosyalismo'y itaguyod sa bayan at uring manggagawa'y makapaglingkod at ibagsak na ang burgesyang bulok at pilantod di ako nasa kilusan para lang magkapera dahil wala ditong pera kundi pagod at dusa pangunahin dito'y pagkilos at pakikibaka upang baguhin ang lipunan kasama ang masa matatagpuan sa kilusan ay sakit at hirap di ka bagay dito kung nais mo lang magpasarap ngunit kung makataong sistema'y iyong pangarap tayo'y magsikilos upang mangyari itong ganap - gregbituinjr.

Dito'y muli mo akong maaasahan, mahal ko

dito'y muli mo akong maaasahan, mahal ko sa isang gawaing tangan ang dangal ko't prinsipyo magpapatuloy ang pagkatha nitong tula't kwento sa kabila ng bagyong Ursula't mga delubyo ang aking mga pagsamo'y halina't iyong dinggin tumatanda man akong matatag ngunit putlain mababakas sa aking kilay at noong gatlain na di na ako ang dating aktibistang gusgusin ako'y aktibistang nakapolo na ng maayos na nilalabanan pa rin yaong pambubusabos kahit mahirapan, patuloy pa ring kumikilos upang makiisa sa uring manggagawa't kapos halina, aking sinta, pag-aralan ang lipunan suriin bakit laksa'y dukha't mayama'y iilan halina't kumilos tayo para sa sambayanan ipanalo natin ang makauring tunggalian - gregbituinjr.

Inglesan sila ng Inglesan, Pinoy naman

sa maraming pulong, pulos inglesan ng inglesan sariling wika'y ayaw gamitin, kinalimutan sariling wika ba'y bakya, para lang sa tsismisan? at Ingles ba'y wika ng mga may pinag-aralan? ingles ang powerpoint, ingles ang bawat presentasyon ang ilan sa dumalo'y nakatunganga lang doon kapwa Pinoy, di agad magkaunawaan ngayon pagwaksi sa ganitong ugali'y napapanahon aba'y wala na ba tayong sariling pagkatao? ginagamit na lang natin lagi'y wika ng dayo! dala nga ba ito ng sistemang kapitalismo? o ayaw natin sa tila impyernong bansang ito? sa mga talakayan nga'y ingles ang gagamitin kapwa Pinoy na ang kausap, iinglesin pa rin umaastang dayuhan, akala'y sikat sa atin ingles ng ingles upang sila'y ating respetuhin nanghihiram sila ng diwa sa wikang banyaga ngunit dapat nating gamitin ang sariling wika patunayang may sarili tayong kultura't diwa ang sariling wika'y dangal nitong lahing dakila - gregbituinjr.

Ayoko sa salitang "wala akong pamasahe"

ayoko sa salitang "wala akong pamasahe" kaya di ka makakadalo sa pulong, kumpare ang pulong ay pulong, daluhan mo dito o dine, doon o saanman, paghandaan mo ang sinabi "wala akong pamasahe'y" huwag mong idahilan ang pulong ay pulong, paghandaan ito't daluhan ang araw na iyon ang itinakda ng samahan mahalagang usapan, huwag mong ipagpaliban para sa pamasahe, simulan mo nang mag-ipon upang madaluhan ang pulong, malayo man iyon tayahin ang gastusin kung ikaw ay paparoon upang di kapusin sa iyong gugugulin doon sa bawat tinakdang pulong, may pananagutan ka hinalal ka ng kongreso, may posisyon, halal ka kaya pagdalo sa pulong dapat asahan mo na responsibilidad mong dumalo roon, kasama kakapusan sa pamasahe'y huwag idahilan agahan ang paglalakad kung kinakailangan maglakad ka na ngayon upang pulong ay abutan kung ayaw, pulos dahilan; kung gusto, may paraan - gregbituinjr.

Ang tariya

Imahe
ANG TARIYA aba'y ano ang tariya sa ating pulong ngayon? tinatanong ng kasama ang adyenda ng pulong may salita naman palang katumbas ang "adyenda" na mula sa salitang Waray, ito'y ang "tariya" halina't gamitin ang sariling salita natin itong wikang Filipino'y atin pang pagyabungin tara, gamitin ang tariya sa organisasyon upang maayos nating matupad ang nilalayon "The agenda of our meeting today is..." ang bilin "Ang tariya ng ating pulong ngayon ay..." ang salin kailangan ang tariya sa bawat nating pulong upang magawa ang plano't matiyak ang pagsulong - gregbituinjr. *  TARIYA  - pagtatakda ng gawain (Waray), - sa wikang Ingles ay AGENDA,  - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1232

Palabra de onor

saanmang sulok ng daigdig ay may kasabihan may palabra de onor kahit pa nabilanggo man may palabra de onor din kahit magnanakaw man may isang salitang tutupdin, tapat sa usapan may palabra de onor din kahit mga birador ngunit iba'y ayaw tupdin ang palabra de onor pag walang nakitang pupuntahan ay nagtatraydor iba'y dahil may ibang sa kanila'y nagmomotor ito'y dahil walang isang salita ang kausap matatag, usapang matino pag iyong kaharap ngunit sila'y agad nagbabago sa isang kurap palabra de onor ay nawala sa isang iglap akibat ng palabra de onor ay pagkatao anumang lumabas sa bibig mo'y panindigan mo bawat sinasalita'y inilalarawan tayo maging tapat sa usapan upang walang perwisyo - gregbituinjr.

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio

Imahe
ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay. Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon? Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na  "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan"  sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala: "Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang  Monika  at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak s...

Muling panunumpa

Imahe
di pa nagaganap ang kaginhawahan ng bayan na adhika noon ng Supremo ng Katipunan ngayon, muli akong nanunumpa ng katapatan babaguhin ang bulok na sistema ng lipunan - gregbituinjr.,12/25/2019

Ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan

Imahe
"Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ mula sa akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Gat Andres Bonifacio ipinaglalaban ko'y kaginhawahan ng bayan ito ang prinsipyo ko't panata sa sambayanan na dapat kong tupdin hanggang sa aking kamatayan kumikilos para sa pagbabago ng lipunan dapat kitang kumilos laban sa pambubusabos dayuhan man at kababayang sanhi ng hikahos dahil sa pagsasamantala, mga dukha'y kapos suliranin ng masa'y dapat na nating matapos dudurugin ang ugat ng maraming kaapihan noon, sinasabing mga dayuhan ang kalaban ngayon, sinuri ang problema nitong pamayanan pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan pag-aralan ang lipunan, kausapin ang masa at durugin ang sanhi ng hirap at pagdurusa patuloy tayong mag-organisa, mag-organisa at mags...

Tanaga sa Pagtatapos ng Taon

TANAGA SA PAGTATAPOS NG TAON huling araw ng taon di man lang maglimayon magdamag at maghapon ay nagrerebolusyon magtiwala ka lamang sa ating pamunuan at tayo’y magtulungan tungkulin ay gampanan nawa’y maging parehas ang palakad ng batas wala nang pandarahas at walang inuutas buhay ay ipagtanggol laban sa gago’t ulol huwag dinggin ang sulsol kung buhay ay puputol maralitang iskwater tinokhang at minarder ng haring ala-Hitler at naroon sa poder pantaong karapatan hustisyang panlipunan ang kinakailangan ng ating mamamayan obrero’y kumakayod araw-araw ay pagod pamilya’y tinaguyod kaybaba na ng sahod nang binaril ng punglo ay nabasag ang bungo ang pumaslang na dungo dapat lang mabilanggo - gregbituinjr. * Nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2019, pahina 20

Mga Binhi ng Diwa

nais kong mamangka sa mahabang ilog itatanghal ang diwa hanggang sa tugatog alagaan natin ang kapaligiran ating aayusin pag kinailangan sa bangin ng buhay gawin ang mabuti minsan ay magnilay sa dilim ng gabi bayan ay iligtas sa mga kurakot lalo na't dumanas ng mga hilakbot umasang liwanag ay mahalukipkip lalo na't magdamag tayong nanaginip magkapitbisig na ang mga obrero at gawing maganda ang bayan at mundo mahaling mabuti kung ina'y kapiling huwag magsisisi kung gawa'y magaling - gregbituinjr. * unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Disyembre 2019, pahina 20

Tanimang Bota

Imahe
TANIMANG BOTA maaari palang pagtamnan ang bota ng gulay, halaman halina't atin ding subukan at baka mapagkakitaan di magamit na lumang bota dahil ang swelas ay butas na subukang pagtamnan tuwina ito'y malaking tulong pala dapat ding maging malikhain at magsuri ng tamang gawin lumang bota'y pagtamnan na rin balang araw, may pipitasin ang tinanim mong okra't sitaw patola, kamatis at bataw magbubunga rin balang araw at ngiti sa labi'y lilitaw - gregbituinjr. * nakunan ng larawan ang isang taniman sa loob ng Strawberry Farm sa La Trinidad, Benguet, Disyembre 21, 2019, nang bumisita roon ang makata, kasama ang kanyang asawa