Mga Post

Puksain ang virus

Imahe
Puksain ang virus nakapagngangalit ang ginagawang kataksilan ng lintik na namumuno sa dignidad ng bayan lalo't terorismo ang kanyang naging patakaran at pinauso ang kawalang proseso't pagpaslang sa kanyang rehimen, ang masa'y kaytagal nagtiis lalo't pangulo'y walang pakialam sa due process sabihing nanlaban, katarungan ay tinitikis atas pa'y kung walang baril, lagyan ng mga pulis dahil namumuno'y bu-ang, dapat siyang turukan baka sa atas na pagpaslang ay mahimasmasan baka dati na siyang nagtuturok kaya bu-ang kaya paggaling niya'y huwag na nating aasahan sige, kababaihan, pangunahan ang pagkilos nang mawala ang virus at ang pangulong may virus ng katopakan sa ulong naglilitawang lubos katibayan na ang kanyang mga salita't utos - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Tinig ng Bagong Silang

Imahe
Tinig ng Bagong Silang di mo man marinig ang kanilang sinasalita ay dama mo ang ngitngit sa kanilang puso't mukha tila walang problema subalit natutulala ngingiti pag kaharap ngunit puso'y lumuluha at sa pagkilos nga sa Araw ng Kababaihan ay nagsalita na rin sila tangan ang islogan: "Karahasan at pang-aabuso sa kababaihan, Wakasan!"  ito ang sigaw ng ZOTO-Bagong Silang nag-uumalpas sa plakard at tarpolin ang tinig na kaytagal napipi, at ngayon ay nang-uusig dinggin natin ang panawagan nila't pahiwatig at sa kababaihan ay makipagkapitbisig hangad nating aktibista'y lipunang makatao silang api'y samahan natin tungong pagbabago - gregoriovbituinjr. * kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Ang nadaanang pinta sa pader

Imahe
Ang nadaanang pinta sa pader may pinta sa pader na nalitratuhan ko lamang na nakakaasar para sa may kapangyarihan ngunit kumikiliti sa diwa ng sambayanan "wala nang baboy sa palengke, nasa Malacañang" - gregoriovbituinjr. * kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Tula sa Marso 8

Imahe
Tula sa Marso 8 anang kapitbahay, wala sana siyang problema kung nag-asawa't sa damit niya'y may maglalaba naisip ko bigla, hanap niya'y katulong pala at di asawang katuwang, kalakbay, kapareha sa Bibliya, babae'y pailalim sa lalaki maging kanyang katuwang at humayo't magparami karapatan nila'y pantay, sa U.D.H.R. sabi ayon din sa sosyalista't peministang narini sa Araw ng Kababaihan, kami'y nagpupugay sa maraming Gabriela't Oriang sa kanilang hanay pagpupugay din sa ating mga mahal na nanay,  patnubay ng bawat pamilya. Mabuhay! Mabuhay! sa hanap ay asawang katulong pala ang gusto karapatan ng kababaihan ay irespeto kapantay mo rin sila ng karapatan sa mundo babae't lalaki'y pantay ng karapatan dito - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Nagsorbetes ang magsing-irog

Imahe
Nagsorbetes ang magsing-irog nagsorbetes ang magsing-irog animo'y nagpapakabusog sa ayskriman doong kanugnog habang kapwa nagiging kalog at pagkauwi'y nagpahinga sabay na humiga sa kama nagdaop ang katawan nila sa matinding pakikibaka ang buhay mag-asawa'y ganyan tuloy lang sa pagmamahalan magkaiba man ng isipan puso'y nagkakasundo naman noon, tititig lang sa langit tanaw ko'y nimpang anong rikit ngayon, didilat at pipikit may asawa nang anong bait - gregoriovbituinjr.

Naggupit ng kuko si misis

Imahe
Naggupit ng kuko si misis aba'y di nakatiis ginupit na ni misis ang kuko kong matulis kaya ito'y luminis ganyan ang mapagmahal sadyang ikararangal pag ganito'y dumatal relasyon ay tatagal ang paggupit ng kuko'y pagsuyo ngang totoo lalo't gagawa nito'y tinatangi't sinta mo kukong dating mahaba ay luminis ngang sadya kaya nagmamakata ang tulad kong tulala - gregoriovbituinjr.

Halaga ng karatula

Imahe
HALAGA NG KARATULA magmenor sa pagpapatakbo't may paaralan pala rito mag-ingat sa pagmamaneho't may mga paroo't parito salamat po't may paunawa at may karatulang ginawa iwasan ang pabigla-bigla magmaneho'y huwag tulala upang sakuna'y maiwasan upang magmanehong marahan upang estudyante'y ingatan upang bata'y pangalagaan mga bata, lumingon muna bago tumawid sa kalsada isang beses lang na disgrasya habang buhay na pagdurusa - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Kyut ang babaeng nakamaong na dyaket

sadyang iba ang dating ng babaeng nakamaong na dyaket, astig, nakakakilig ang pormang iyon para bang si Gabriela Silang na naglilimayon o si Oriang na kabiyak ni Andres ang naroon bakit kayganda ng babaeng nakamaong na dyaket bakit kaytindi ng dating niya't napakarikit ako'y ba'y ginayuma na't titig ko'y nakapagkit sa kanyang ngiti't mga mata, ako'y nasa langit ang tulad nila'y pokpok daw o kaya'y japayuki di ako basta maniwala sa ganyang sinabi nakikita ko sila pag sumakay ng M.R.T. kaakit-akit, anong ganda, nakabibighani hanggang paghanga lamang naman ako sa kanila kung masyota ang isa sa kanila'y kakaiba - gregoriovbituinjr.

Samutsaring katawagan

pag inis sa akin, tinatawag akong Gregorio buong pangalan talaga, iyon ang pangalan ko pag kakilala, para sa kanila'y Greg lang ako ako naman si Gorio sa mga kaedaran ko Junior o Dayunyor para sa mga kapamilya sa aking kapuso naman: simpleng Mahal o Sinta sa mga kapatid: Kuya Junjun o simpleng Kuya sa mga kumpare't kaibigan ay Greg talaga mayroong nom de pluma sa gawaing pagsusulat mayroong nom de guerra sa gawaing pagmumulat kung inis sa akin, buong pangalan ko na'y sapat sa tawag pa lang, makikilala  na kitang sukat pwede akong tawagin sa inisyal kong G.B.J. na kasintunog din ng idolo kong si F.P.J. - gregoriovbituinjr.

Bawat tula ko'y para sa iyo

ayokong maisip na wala akong kaibigan kung pag-like sa upload sa facebook ang pagbabatayan kayrami kong friend sa facebook, higit dalawang daan o network lang, contact lang, di talaga kaibigan e, ano naman kung walang mag-like sa aking upload aba'y di ko balak na sila'y maging tagasunod basta ako'y tutula lang ng walang pagkapagod basta i-upload bawat isyung itinataguyod pag namatay ba ako'y may "kaibigang" lulutang? susubukang i-like ang mga tula kong linalang o ako lang sa ngayon ay mistulang tupang hibang kung anu-anong nasasaisip sa lupang tigang salamat sa lahat ng nag-like sa anumang post ko turing ko sa inyo'y talagang friend, mabuhay kayo! sa mga di ko talaga friend, okay lang po ako tutula ang tulala, para sa masa't sa iyo di kahinaan ang di nila pag-like, tingin ko po basta ako'y kumakatha ng paksang nasa puso susunod na henerasyon na ang dito'y tatanto ang sabi nga kay Ibarra ni  Pilosopong Tasyo - gregoriovbituinjr.

Paninda nila'y yosi

Imahe
paninda nila'y yosi "Smoking kills" ang sabi salungat ang ganiri pag iyong inintindi - tula't litrato ni gregoriovbituinjr.

Bayanihan sa Dyip

Imahe
BAYANIHAN SA DYIP sa dyip din naman may bayanihan pag-aabutan ng taumbayan ng sukli't bayad ay ilalahad kanilang palad ay ilalantad aabutin mo ang ilang piso sa pasahero at tsuper nito na namasada upang kumita yaong papara ay bababa na salamat naman sa bayanihan nagtutulungan ang taumbayan - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala habang sakay ng dyip

Ang hiling ng manggagawa

Imahe
ANG HILING NG MANGGAGAWA ramdam mo ba ang sigaw nitong mga manggagawa na para sa atin ay makatarungan ngang sadya subalit sa mga kapitalista'y isang sigwa sa negosyo't sa tubo'y kaylaki ng mawawala hiling nila'y "trabahong regular, hindi kontraktwal" hangad nila'y "obrerong kontraktwal, gawing regular" manggagawa'y kapwa tao, tinuring na kalakal ng sistemang kapitalismong di dapat magtagal "no to flexible work arrangement", ang sabi pa nila na kung saan gustong itapon ng kapitalista ay sundin na lang, kahit pagsasamantala'y dama basta huwag umangal, maski kayod kalabaw pa living wage, isabatas ang sweldong nakabubuhay! ang minimum wage ngayon, sa living wage na'y ipantay! kahilingan ng obrerong sa puso'y pinagtibay pinagtibay din ng pagkakaisa nilang tunay sila'y ating samahan sa kanilang mga tindig tinig nila'y paalingawngawin nang maulinig sa bawat sulok ng bansa, sila'y magkapitbisig at sa kapitalismo'...

Ipaglaban ang dyip, pamilya't kultura

Imahe
IPAGLABAN ANG DYIP, PAMILYA'T KULTURA "No to phaseout" ng mga dyip, tinig nila'y pakinggan mga tradisyunal na dyip ay ireporma lamang ito ang tindig ng Ugnayang JODA at Simbahan na dapat maiparating doon sa Malakanyang modernong dyip daw kasi ang nais ditong ipalit ngunit minibus pala kung susuriin mong pilit ang dyip na Pinoy ay disenyong dapat lang igiit pagkat tatak na ng kultura't di dapat iwaglit kung pagbubuhat ng bahay ay isang bayanihan ugnayan sa loob ng dyip ay sadyang bayanihan di magkakakilala, subalit nagtutulungan sa pag-aabot ng sukli't bayad, may tiwalaan kultura na ng bayan ang tradisyunal nating dyip makasaysayan na, tatak Pinoy pa, pag nalirip "Filipino ingenuity" itong dapat masagip at dapat ipaglaban kahit sino pang mahagip mga tsuper at opereytor, dapat magkaisa ipaglaban ninyo ang kabuhayan ng pamilya huwag padaig sa dayuhan at kapitalista pinaglalaban ninyo'y pamilya'y ating kultura - gregoriovbituinjr. * litratong kuh...

Sa pakikipagkita sa sinta

Imahe
Sa pakikipagkita sa sinta baka mautal lang ako pag kita'y muling magkita tulad ng dati noong una tayong nagkakilala - gregoriovbituinjr.

Minsan, sa palengke

Imahe
Minsan, sa palengke sa mga tinda mo ba'y pwede ba akong tumawad kahit wala akong kasalanan, ang aking bungad bibilhin lang ay kaunti, ito ang aking bayad muli, tanong ko'y maaari ba akong tumawad tugon niya: "Piso na nga lang ang tutubuin ko hihingi ka pa ng tawad, anong kasalanan mo? bilhin mo lang anong gusto mo nang batay sa presyo at di na ako gaanong lugi, mura na ito." kinuha ko'y kamatis, bawang, sibuyas at sili  kumuha ng okra, talbos ng kangkong at kamote at binayaran ko nang buo ang aking binili walang tawad, isang karanasan ko sa palengke natawa sa sarili, ako pala'y patawa rin yaong nagtitinda'y di man lang ako patawarin - gregoriovbituinjr.

Ang pagiging vegetarian at budgetarian

Imahe
Ang pagiging vegetarian at budgetarian panibagong tatak sa tshirt ang aking nagawan pagkat nasusulat ay tunay ngang makabuluhan kakaibang prinsipyo para sa pangangatawan sabi'y "I am a vegetarian and a budgetarian." ayoko nga sa tokhang, ayoko rin sa pagpaslang di lang ng tao kundi ng hayop sa daigdigan kung ayaw mong kapwa'y parang hayop na tumimbuwang bakit pinaslang na hayop ay kinain mo naman kinakatay nilang manok, baboy, o baka man din na ang pakinabang sa tao't mundo'y ang kainin ngunit dinggin mo ang atungal nila pag katayin umiiyak pag kinulong, ano pa't papatayin iba ang tingin ko't pagpapahalaga sa buhay hayop para sa tubo't pagkain ay kinakatay ngayon, pinili kong kumain ng prutas at gulay ngunit iba pa kung paano ko isasabuhay - gregoriovbituinjr.

Muni sa gakgakan

Imahe
Muni sa gakgakan sayang lamang ang buhay mo kung wala kang layunin sa buhay kundi magtrabaho, matulog, kumain sayang lang ang buhay mo kung wala kang adhikain kundi magpasarap, lumaklak, lumamon, wala rin sabagay, ano nga bang pakialam ko sa iyo kung iyan na ang landas na piniling tahakin mo subalit huwag mong punahin kung anong pinili ko lalo't minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito tinahak ko'y aktibismo, may layuning marangal para sa bayan, masa, manggagawang nagpapagal sinapuso't sinaisip, prinsipyo'y ikinintal ipaglaban ang karapatan, katarungan, dangal iba ako, iba ka, ako'y isang aktibista huwag mong hanapin sa akin ang di mo makita huwag mo akong itulad sa iyo, manalig ka mamamatay akong sa kapwa'y di nanamantala - gregoriovbituinjr. * gakgakan - daldalan ng dalawang tao, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 380 * Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Makiisa sa laban ng manggagawang pangkalusugan

Imahe
Makiisa sa laban ng manggagawang pangkalusugan manggagawang pangkalusugan ay taas-kamao sama-samang kumilos sa adhikang pagbabago hangarin nila'y proteksyon bilang mga obrero sa kabuhayan nila't karapatang demokratiko pagkat may banta ng tanggalan sa kanilang hanay papalitan ng kontraktwal sa kanila ba'y pakay ng mga may-ari ng ospital na nabubuhay sa pagod ng manggagawang nagpapagal na tunay ngayong may pandemya, saka pa ito nagaganap silang mga frontliner na sa bayan lumilingap subalit tatanggalin sila? aba'y anong saklap di dapat masayang lang ang kanilang pagsisikap samahan natin ang manggagawang pangkalusugan taas-kamaong makiisa sa kanilang laban tulad din nating hangad ay hustisyang panlipunan samahan sila sa laban hanggang pagtagumpayan - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Ipanawagan natin ang Labor Power!

Imahe
Ipanawagan natin ang Labor Power! Labor Power!  yaong panawagan nila't adhika laban sa krisis at panunupil sa masa't dukha Labor Power!  itayo'y sistemang pangmasang sadya para sa gobyerno ng manggagawa't maralita halina't panawagang ito'y ating itaguyod na kasama ang manggagawa't maralitang lungsod halina't kumilos dahil ang bansa'y nalulunod sa bulok na sistema't tayo'y di dapat maanod - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21