Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Marso, 2019

Ang tula sa lapida ni Ben Tumbling

Imahe
ANG TULA SA LAPIDA NI BEN TUMBLING Nuong nakaraang Marso 28, 2019, nakita ko ang tula sa lapida ni Ben Tumbling sa ulat ni Lourd De Veyra sa programa ng ABC5 na: "Tsismis Noon, History Ngayon" sa  https://www.youtube.com/watch?v=qf_DJMphrC4 , nasa 11:14 (11 minutes,41 seconds) ng video. Subalit ang tula ay may bandalismo na, kaya di ko na mabasa. Naghanap ako ng malinaw na kopya ng tula, ngunit wala pa akong makita sa internet. Si Ben Tumbling ay kilalang kriminal subalit sa Malabon ay maraming nagmamahal, ayon kay Lourd De Veyra. Inilabas ko ang katanungang "Ano ang malinaw na nakasulat na tula sa lapida ni Ben Tumbling?" sa facebook. Unang tumugon si kasamang Jilbert Rose. Ang sabi niya:  "Puntahan natin greg, Alam ko sa tugatog cementery malabon Yan nkahimlay c Ben tumbling" . Ang ikalawang tumugon ay si kasamang Jhuly Panday. Nagpadala siya ng malinaw na litrato ng lapidang kinauukitan ng tulang alay kay Ben Tumbling. Maraming salamat,

Ano ang malinaw na nakasulat na tula sa lapida ni Ben Tumbling?

Imahe
Nakita ko ang tula sa lapida ni Ben Tumbling sa ulat ni Lourd De Veyra sa ABC5, "Tsismis Noon, History Ngayon" sa https://www.youtube.com/watch?v=qf_DJMphrC4, nasa 11:14 (11 minutes,41 seconds) ng video. Subalit ang tula ay may bandalismo na, kaya di ko na mabasa. Naghahanap ako ang malinaw na kopya ng tula, ngunit wala pa akong makita sa internet. Si Ben Tumbling ay kilalang kriminal subalit sa Malabon ay maraming nagmamahal, ayon kay Lourd De Veyra. Marahil, balang araw, baka  magpatulong ako sa ilang kasama sa Malabon upang mapuntahan ko ang libingan niya, makopya ng buo ang nakasulat sa lapida, at marahil ay makilala rin kung sinong umakda ng tula. Ang ilan lang sa malinaw ay: BEN TUMBLING IKAW BA'Y MASAMA O ISANG DAKILA BAKIT BA MARAMI ANG SAYO'Y HUMANGA MGA ________________________________ SA _________________________________ BAKIT DI MARINIG SA BIBIG NG TAO NA _____________________________ HA_________________________________ GAYON

Matapos ang pulong

pakiramdam ko'y para kaming mga patay-gutom naghihintay ng pagkain nang matapos ang pulong tila baga ako'y nasa impyerno't nasusunog nais ko nang umalis kahit ulo'y umiinog tunay ngang minsan, nakakainip ang paghihintay umaasa'y di mo alam kung darating ngang tunay kayraming nasa isip, nahihiya, nagninilay iniihaw sa init ang buong kalamnang taglay nais ko nang magpaalam kahit walang kinain magdadahilan na lang akong may katatagpuin kahit di nag-almusal, sa tanghalian, kapos din mabuti nang umalis at nakakahiya na rin - gregbituinjr.

Pag-aalay, Pasasalamat, Panawagan

PAG-AALAY, PASASALAMAT, PANAWAGAN (kinatha para sa huling bahagi ng isang nilikhang bidyo ng makata hinggil sa kampanya ng mga kandidato ng PLM partylist, na in-upload noong Marso 26, 2019 sa facebook page na LitraTula) sa Philippine Underground Movement, maraming salamat sa campaign jingle ng PLM na katha nyong sukat ang mga tulang naririto'y alay ko sa lahat nawa'y iboto ninyo ang maglilingkod ng tapat Ka Leody De Guzman para senador, iboto ang PLM partylist, ito ang ating partido lahat sila, sa Senado't Kongreso'y ipanalo upang may kakampi ang masa at uring obrero - gregbituinjr.

Si Oriang, ang Lakambini

Imahe
SI ORIANG, ANG LAKAMBINI Si Oriang, bayani, asawa Lakambini ng Katipunan Matapang na Katipunera Para sa bayang tinubuan Ikaw ang mithing binibini Ng bayani't Supremo Andres Itinalagang Lakambini Nang bayan ay di na magtiis Magkatuwang kayo ni Andres Sa Katipunang pinagpala Susupil sa pagmamalabis Ng mga Kastilang kuhila Kay Andres, di ka lang asawa Di ka lang inspirasyon kundi Kasama sa pakikibaka At kalayaan ang lunggati Ang bayan ay inyong hinango Mula sa hinagpis at luha Sinindihan ninyo ang sulo Nang kamtin ng bayan ang laya - gregbituinjr. (Binasa sa Rizal Park Open Air Auditorium, Marso 23, 2019. Ang mga litrato ay kuha ni Ms. Liberty Bituin, asawa ng makata. Taos-pusong pasasalamat kay Prof. Joel Malabanan ng PNU sa imbitasyong tumula sa Luneta.)

Tula sa World Water Day, Marso 22, 2019

TULA SA WORLD WATER DAY, MARSO 22, 2019 kahapon ay World Poetry Day, araw ng pagtula ngayon ay World Water Day, araw ng tubig ng madla habang ang krisis sa tubig ay biglang nagsimula nawalan ng tubig, ramdam  ng masa'y dusa't luha animo krisis ay nilikha upang pag-usapan itong pagtatayo ng dambuhalang Kaliwa Dam na sa krisis daw sa tubig umano'y kalutasan ngunit magpapalubog sa maraming pamayanan pagtatayo ng Kaliwa Dam ay tutulan ngayon pagkat sa krisis sa tubig ay di ito ang tugon maraming tubig, pamamahala ay di ayon di maayos, pulos tutubuin ang laging layon napapalibutan ng tubig itong ating bansa palibot ay dagat, kayraming ilog, sapa't lawa parte ng bayodibersidad, mahalagang sadya subalit may krisis sa tubig, dapat maunawa sa nangyaring krisis na ito'y daming apektado tubig nang gawin pang pribado'y nagmahal ang presyo tubig ay serbisyo, kaya huwag gawing negosyo ito'y para sa publiko, huwag isapribado at ngayong World Wate

Ang personal ko'y pulitikal

Imahe
ANG PERSONAL KO'Y PULITIKAL nanindigan akong ang personal ko'y pulitikal kasapi ng lipunang ang mayorya'y nagpapagal upang makakain kahit alipin ng kapital kayod-kalabaw, sarili mang buhay ay sinugal ang personal ko'y pulitikal, kahit sa pagkain nabubusog lang ba pag kapitalismo'y kainin? giginhawa lang ba pag komersyalismo'y lunukin? o sa globalisasyon, dukha'y lalong gugutumin? pulitikal din kahit ang pag-ihi, bakit kamo iihi sa C.R. ng mall, ang bayad: sampung piso pag-ihi man sa C.R. ng simbahan, sampung piso may presyo rin kasi bawat pag-flush sa inidoro pulitikal din naman kahit pagpili ng damit magbabarong tulad ng sa kabangbayan nangupit? kamisetang kupas tulad ng sa monay nang-umit? o payak na kasuotan ng dukhang nagigipit? pulitikal din ang pahinga, paghinga't paghiga nasa isip ang nangyayari sa pamilya't madla bakit kahit kayod-kalabaw, kayraming nalikha ay di pa rin sapat ang sahod nito

Pagsasalin ng akda

minsan, nakakatamad magsalin ng isang akda o anupamang sulating wala kang napapala walang insentibo, ramdam mong mahirap ka na nga naaabuso pa ang kakayahan mong kumatha mas nais kong isalin kung may sosyalistang layon upang matuto ang manggagawang mag-rebolusyon kahit libre, walang bayad, para sa uri iyon hayaan akong magsalin kahit walang panglamon ngunit kung ibang isyung di para sa sosyalismo napipilitang magsalin, pakikisama ito kung walang insentibo, ako ba'y naaabuso mabuti pang isalin ko'y Marxismo-Leninismo sana'y makaramdam ang nakasalubong kong langgam siya naman kung pagmamasdam mo animo'y paham di ko kasi ugali yaong basta makialam sabihan ang kausap ko na walang pakiramdam - gregbituinjr.

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Imahe
litrato mula sa google KABASIB (KAMATIS, BAWAT AT SIBUYAS) kamatis, bawang at sibuyas kinakaing hilaw at hubad ito ang aking pampalakas sa kilo-kilometrong lakad bawang ay ngunguyaing hilaw habang naglalakad sa lansangan pagkat ito'y bitamina raw upang tumibay ang kalamnan masarap naman ang kamatis habang tumatakbo ang isip panlaban sa problema't hapis habang pag-asa'y halukipkip sa sibuyas tiyak luluha ngunit nalilinis ang mata di mo ramdam ang pagkapata kundi katawan mo'y gagana paghaluin mo yaong tatlo nang may maalab na pagsuyo tiyak lalakas ka’t lilisto kaya di ka na madudungo - gregbituinjr.

Itim ang suot bilang sagisag ng protesta

ITIM ANG SUOT BILANG SAGISAG NG PROTESTA pulitikal ang pagsuot ko ng t-shirt na itim dahil ang bulok na sistema'y puno ng panindim dahil sangkatutak ang krimeng karima-rimarim dahil kayraming rosas ang ginahasa't sinimsim dahil laksang inosente ang pinaslang, kaylagim pagsuot ko ng kamisetang itim ay protesta kahit pa kay-init nito habang nasa kalsada kahit nasa gitna ng alab ng pakikibaka di dapat nakatunganga lang habang nakikita na maraming lugmok ang naghahanap ng hustisya hangga't sistema ng lipunan ay napakalupit hangga't niyuyurakan ang dangal ng maliliit patuloy akong magsusuot ng itim na damit bilang protesta, at hustisya'y aking igigiit - gregbituinjr.

Asam ng mulawin

Imahe
litrato mula sa google ASAM NG MULAWIN nakakapagod yaong ganda ng tanawin habang nililipad ang lawak ng layunin nananaginip, buti kung ako'y mulawin isang taong ibong may langit na hangarin minamasdan-masdan ko ang magandang dilag pagkat kaytamis ng ngiting nagpapapitlag sa pusong tila pagsinta'y naaaninag kaya nadarama'y kalagayang panatag matayog ang punong nais pagpahingahan ng pakpak na hapo't pusong nahihirapan dahil pag-irog sa dilag ay di malaman kung liligaw ba sa kabila ng kaibhan pusikit pa ang karimlan sa balintataw gayong nakapikit kahit araw na araw nawa'y makaisa ko siya ng pananaw upang sa lipunang ito'y di maliligaw - gregbituinjr.

Payo ng isang lola sa mga dalaga

PAYO NG ISANG LOLA SA MGA DALAGA payo ng isang lola sa mga dalaga: ang iyakan mo'y ang mahal mong ama't ina na todo ang gapang upang mairaos ka at di ang guwapong syotang iyong sinisinta na ginagapang ka nang makaraos siya sadyang kayganda ng payo nitong matanda na pagmamahal sa magulang ang adhika sa mga dalagang basal pa at sariwa upang di maputikan at mapariwara upang maingatan ang puri't di masira pagpupugay sa lolang iyon na marahil may mga karanasang ang anak ay sutil at saksi siyang may mga anak na taksil at ang payo niya'y upang mali'y masupil - gregbituinjr.

Tanggapin ang pera, iboto ang nasa konsensya

TANGGAPIN ANG PERA, IBOTO ANG NASA KONSENSYA limang daang piso ang bigay para sa balota kapalit naman ay tatlong taon ng pagdurusa ang pinapayo ko lang: sige, tanggapin ang pera ngunit iboto'y kauri't nasa inyong konsensya ang limang daang piso sa dukha'y malaking tulong na bigay ng trapong nagtataguyod ng halibyong pambili ng bigas, delata, o kaya'y galunggong habang interes lang ng trapo'y patuloy ang sulong tiyaking ang iboboto'y kakampi ng obrero kauri ng manggagawa, dukha, di mga trapo ang mga mandarambong ay huwag nang iboboto upang di masayang ang ating boto sa dorobo - gregbituinjr. * halibyong - salitang Tagalog sa fake news o disinformation * dorobo - salitang Hapones sa magnanakaw

Lugmok sa kawalan

lugmok na naman ako sa kawalan, di ko batid kung bakit sa hangin ang diwa ko'y inihahatid ng guniguning tila baga ako'y binubulid sa banging anong lalim, sa kawalang di mapinid animo ang sakit niya sa utak ko'y gumulo nagugulumihanan sa kawalan ng sentimo saan kukunin ang pang-operasyon ng misis ko ang problema'y baka di makapagbayad sa dulo madalas na ako ngayong tulalang naglalakad buti't alisto pa ring di mabangga't napaigtad nang sasakyan sa aking gilid ay biglang sumibad tila baga ang iwing pagkatao'y naging hubad mahirap ngang mangarap na buwan ang sinusuntok ginhawa'y iniisip wala namang maisuksok dapat magpakatatag sa kabila ng pagsubok di dapat nakatunganga lang at basta malugmok - gregbituinjr.

Bakahin ang halibyong

Imahe
BAKAHIN ANG HALIBYONG Paano babakahin ang daluyong ng halibyong? Maling balita'y nagkalat, pawang disimpormasyon Masang nalilito'y tinambakan ng linggatong Taktika ba ng mapanlinlang na administrasyon? Mga pekeng balita'y dapat mawala sa bayan Lalo't naglipana na ito sa ating lipunan Bakahin ang halibyong para sa katotohanan At ipaglaban bawat makataong karapatan Sino bang kikilos kundi tayong naniniwala Na itong kasaysayan ay di sinasalaula Na di tayo nganganga lang pag may pekeng balita Sa laksang halibyong ay dapat lagi tayong handa Ang mga may pakana ng halibyong ay durugin Panahon nang bawat halibyong ay labanan natin Tayo'y magkaisa sa makatarungang layunin Na katototohanan sa bawat balita'y hanapin - gregbituinjr. * HALIBYONG, taal na wikang Filipino, na ibig sabihin ay disinformation o fake news. Pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari. ~ mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Kung paanong ayoko sa kulungan o ospital

kung paanong ayoko roon sa kulungan, gayundin naman, ayoko rin sa ospital mabuti pang mapunta na lang sa libingan sapagkat naglingkod sa bayan ng anong tagal ilang taon na, naranasan kong mapiit dahil sa manggagawa'y tapat na naglingkod higit dekada na, danas ko'y alumpihit sa ospital, ulo ko'y tinahi't ginamot ayoko nang mapiit sa kwartong kaydilim na tila kabaong, dama mo'y walang hangin ayoko nang maospital muli't mandimdim dahil para kang patay, madilim ang tingin pag ako'y nilalagnat, punta ko'y Luneta sariwang hangin ay doon ko kinukuha pag may labanan, minsan nasa Mendiola at gawa ng trapong kuhila'y binabaka kulungan, ospital o kaya'y sementeryo ano kayang aking pipiliin sa tatlo ayoko sa ospital o makalaboso nalalabi na lang, libingan ang punta ko - gregbituinjr.

Bibliya'y istorya lang ng Israel

BIBLIYA'Y ISTORYA LANG NG ISRAEL Bibliya: istorya lang ng taga-Israel ito Na nang-aagaw ngayon ng lupaing Palestino Nahan naman ang istorya ng bayang Pilipino Wala sa Bibliya, na pulos Irael ang kwento Kung meron man, winasak ng mga Kastila ito Kaya sa Bibliya'y di na ako naniniwala Maigi pa marahil maniwala kay Bathala Mula sa katutubo, tunay na mapagkalinga Bathalang ninais wasakin din nitong Kastila Subalit narito pa rin ito't nangungulila Ayon sa Bibliya, Israel ang angkang pinili Na para sa Diyos, sila ang natatanging lahi Di Ehipto, di tayo, sa Palestino'y namuhi Palestino'y inagawan ng lupa't dinuhagi Iyan din ang layon ng simbahang mapang-aglahi Istorya ng Israel isinusubo sa atin Na nakabibikig at di naman natin makain Magsiluhod at pumikit raw tayo't manalangin Habang unti-unting inagaw ang ating lupain Balang araw, buong mundo'y kanilang aangkinin Ang Bibliya ng mananakop ay pang-Israel lang Diyan nakasulat ang mito

Pangako ng trapo

Imahe
PANGAKO NG TRAPO "ipinapangako kong pag ako'y inyong binoto at nanalo ako't tuluyang naupo sa pwesto masosolusyonan ko ang mga problema ninyo kaya iboto ako, hehe, iboto nyo ako" iyan ang nasa isip ng kandidatong gahaman nangangako ng nangangako para daw sa bayan subalit gaya ng ibang naluklok sa upuan ipinangako nila'y di maisakatuparan sila ang katibayan ng pangakong napapako mga kapara nila'y tuso't animo'y hunyango pag kaharap ang masa, dinig mo'y pulos pangako pag tumalikod ang masa, pangako'y laway lang po kada kampanyahan, pangako na'y nakauumay masaya lang sa una ngunit di ka mapalagay para bagang nagsalita sila  ng walang saysay patunay lang na itong trapo'y mga tulo laway - gregbituinjr.

Pananaw ng tampalasan

PANANAW NG TAMPALASAN ang pananaw nila'y talagang salanggapang pagkat nais lagi'y pumaslang nang pumaslang bakit buhay ng inosente'y isinalang nagtilamsikan ang dugo sa lupang tigang nahan ang hustisya para sa inosente pinaslang ng walang awa ng mga bibe nakita ng mga saksing di makasaksi baka balikan sila, at sila'y magsisi tokhang ay naging karaniwan  sa kalsada habang ang mga bibe'y nag-aastang bida salot sa lipunan ay nadurog daw nila kaya payapa na raw ang bayan at masa buhay ng mga salot ay dapat makitil iyan ang pananaw ng tampalasang taksil ginagawa ba nila'y kaya pang masupil at hustisya'y magawad sa mga kinitil - gregbituinjr.

Ahas na trapo

Imahe
AHAS NA TRAPO ang pangako nitong mga "dakilang" pulitiko ay tulad ng pagsagip ng ahas na "maginoo" sa dukhang isda sapagkat malulunod daw ito habang kagat sa leeg ang isda, ganyan ang trapo kaya magtanda na sana tayo't huwag na naman huwag sayangin ang boto't ihalal ang gahaman huwag nang ibalik yaong mga trapong haragan mga datihang walang nagawang buti sa bayan sa tusong trapo'y huwag sana tayong patutuklaw lalo't iba ang kanilang asal, uri't pananaw huwag umasa sa trapong di mo alam ang galaw baka likod mo'y tarakan lang nila ng balaraw hangad nila'y boto mo lang, di pagbuti ng madla ang trapo'y walang pakialam sa buhay ng dukha sa mga pangako nila'y huwag maniniwala dulot lang nila sa bayan ay pahirap at luha - gregbituinjr.

An Ode To Liberty

Imahe
AN ODE TO LIBERTY A nother fight for the future is at stake N efarious pogrom in this country feared indeed O ne after another, blood was turned into lake D ue to the rise of another Hitlerian breed! E nduring the actions of this notorious beast T owards ending these terrible deeds of terror O n the want for freedom, we rise with clenched fist L iberty against this tragic acts we longed for! I n the midst of darkness and stupidity B eneath the eyes of struggle and fearfulness E ntering the years of sorrow and tragedy R evolting is just right to repeal this madness! T o the future and this present generation: Y ou are the hope for another revolution! - gregbituinjr.