Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Nobyembre, 2019

Sa Araw ng Dakilang Gat Andres Bonifacio

Imahe
Muli kami ngayong nagrali bilang pagpupugay kay Supremong Andres Bonifacio, dakilang tunay manggagawang nakapula'y kapitbisig sa lakbay upang ipakita ang pagkakaisa! Mabuhay! Nakibaka na ang mga Katipunero noon upang itayo ang bansa, sila'y nagrebolusyon uring manggagawa'y nakikibaka hanggang ngayon upang wakasan ang salot na kontraktwalisasyon upang makalaya sa kuko ng kapitalismo na dahilan ng pagsasamantala sa obrero upang magkaisa laban sa burgesya't pasismo upang itayo ang isang lipunang makatao Taun-taon, nagmamartsa ang uring manggagawa sa araw ni Bonifacio, ang bayaning dakila, bayaning inspirasyon upang ang uri'y lumaya at matayo ang lipunang pantay-pantay ang madla - gregbituinjr. * nilikha ang tula bilang pagninilay sa ika-156 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, habang kasama sa rali ng mga manggagawang bumubuo sa grupong PAGGAWA, Nobyembre 30, 2019, mula Old Senate hanggang Mendiola sa Maynila.

Salagimsim sa Global Climate Strike

Imahe
taas-noong pagpupugay sa lahat ng narito at upang makatugon sa klimang pabagu-bago lalo't kayrami na nating nararanasang bagyo dagdag pa ang bulok na sistemang dahilan nito: winawasak ng kapitalismo ang ating mundo sa pagtitipong ito ng raliyista't artista na climate change ang isyung tinatalakay ng masa na dahilan upang mag-usap at magsama-sama na paano tayo makakatugon sa problema na paano mababago ang bulok na sistema  sa nagbabagong klima'y apektado na ang madla ito rin ang isyu't problema ng maraming bansa mga nag-uusap na bansa ba'y may magagawa o dapat kumilos na rin ang uring manggagawa upang baguhin ang sistemang dahilan ng sigwa dapat nang kumilos ang manggagawa't sambayanan suriin ang problema't lipunan ay pag-aralan bakit nagka-krisis sa klima't ano ang dahilan kumilos tayo't putulin ang pinag-uugatan sistema man ito o lipunan nitong gahaman itayo natin ang isang mundong walang pasakit wa

Pagninilay sa pagkabata

ang batang makulit ay napapalo raw sa puwit ay, paano ba naman, kapwa bata'y nilalait magdudulot lang ng away, sila'y magkakagalit aba'y pagsabihan lang sila't huwag magmalupit baka balang araw, batang makulit ay babait ang batang matalino ay nag-aaral ng husto asignaturang bigay ng guro'y gagawin nito magbubuklat lagi't babasahin ang kanyang libro kinabukasa'y nasa isip, pagharap sa mundo kaya siya'y matiyaga't nagsisikap matuto ang batang masikap ay tiyak na di maghihirap matiyagang mag-aral, punung-puno ng pangarap tinutulungan din ang ama't inang mapaglingap upang sa kinabukasan ay di niya malasap ang pinagdaanang buhay ng pamilyang mahirap ang batang naliligo, sa sakit ay nalalayo magsabon ka't maghilod din ng katawan, maggugo kili-kili't singit ay hilurin nang taos-puso alisin ang sangkilong libag nang di masiphayo magbanlaw ka nang bumango't ang iba'y marahuyo - gregbituinjr.

Di ko alam kung ako ba'y leyong sumisingasing

di ko alam kung ako ba'y leyong sumisingasing habang malakas ang hilik sa kabila ng dingding sarili'y hinimay-himay ko habang nahihimbing at hinahamon sa paligsahan ang magagaling maaabot kaya ang matayog na toreng garing di maaaring basta na lang natin mairaos ang bawat aktibidad kahit tayo'y kinakapos makakakain ba ng matamis na paradusdos habang sinasakatuparan ang layuning lubos paano ba dapat mabalasa ang haring bastos habang tulad ng isnayper, naroong nakatitig sa samutsaring isyu't problema'y di matigatig paano bang bagong tanim na puno'y madidilig paano bang uring obrero'y magkakapitbisig paano bang tiwali sa gobyerno'y mauusig di basta-basta mag-organisa ng mga dukha paano ba mapapakilos ang mga walang-wala ang masa pa ba'y daluyan ng aktibista't isda masang tulad ng dagat, umaalon, bahang-baha paano bang bulok na sistema'y sinasagupa - gregbituinjr.

Hinawakan ko lang sa likod, nagalit na

hinawakan ko lang siya sa likod, nagalit na nililipat ko raw ang negatibong enerhiya sa kanya, kaya ako'y agad namang lumayo na kahit ako'y naglalambing lamang naman sa kanya kadarating ko lamang noon sa munting tahanan sa kabila ng pagod ay sabik ko siyang hagkan hanggang sa aking nahawakan ang kanyang likuran aba'y nagalit na't ako'y kanyang pinagtabuyan kaya anong gagawin ko, anong dapat kong gawin hinawakan ko lang sa likod, ako na'y salarin tila ba naiiba ang ihip ng kanyang hangin ako na'y isang berdugong di dapat palapitin pag-iisip niya'y walang kongkretong pagsusuri di siyentipiko, kundi pamahiing kadiri walang batayan, pag-iisip na di mo mawari o ayaw na niya sa akin kaya namumuhi negatibong enerhiya ko raw ay kanyang ramdam ilang ulit nang nangyari iyon, di na naparam sa aking paglalambing, siya'y agad nasusuklam mula ngayon, siya'y di ko na dapat inaasam - gregbituinjr.

Huwag kang tumunganga, makiisa sa kilusang masa

mabuting sa kilusang masa'y may partisipasyon kaysa naman nakatunganga lang buong maghapon mahirap laging nakatanghod lang sa telebisyon at sa kawalang pag-asa na lang nagpapakahon ano bang nangyari't nakatunganga na lang lagi sa maghapon at magdamag nagbabakasakali baka dumating ang pag-asang di naman mawari at paano madurog ang gahamang naghahari araw-gabi na lang, sa telebisyon nakatanghod ngunit pawang drama sa buhay ang pinanonood balita'y di mapakinggan, sa drama nalulunod nakatunganga buong araw, di nakalulugod di maaaring lagi lang tayong nasa pantasya dapat ay makasama tayo sa kilusang masa alamin ang iba't ibang isyu'y mga problema upang tayo'y maging matatag sa pakikibaka makibaka tayo't huwag laging nakatunganga pag-aralan itong lipunang di mapagkalinga halina't maging kaisa ng uring manggagawa at baguhin ang sistemang naghahari'y kuhila - gregbituinjr.

Sa Araw Laban sa Karahasan sa Kababaihan

Imahe
taas-kamaong pagpupugay sa kababaihan pagkat tao'y nagmula sa inyong sinapupunan pagkat nanggaling sa inyo'y buong sangkatauhan kaya marapat kayong saluduhan at igalang ang kalahati ng buong daigdig ay babae ngunit kayraming kababaihan ang inaapi pinagsasamantalahan ng kung sinong buwitre at inuupasala ang puri ng binibini paano ba pipigilan ang pagyurak sa dangal at ipagtatanggol ang puri ng babaeng basal paano mapipigil ang pagnanasa ng hangal at igalang ang taong kawangis ng inang mahal may araw na itinalaga upang mapawi na ang karahasan sa kababaihan, mawala na dapat pa bang may isang araw na itatalaga upang karapatan nila'y ating maalaala sa kababaihan, taas-kamaong pagpupugay kalahati kayo ng mundo, mabuhay, mabuhay! nawa'y lalaging nasa mabuti ang inyong lagay at wala nang dahas na dumapo sa inyong tunay! - gregbituinjr. * nilikha ng makata bilang paggunita sa International Day for the Elimination of Violence A

Kalatas: Bawal umutot sa loob ng sasakyan

Imahe
sumakay ako ng traysikel kani-kanina lang humahangos akong nagtungo sa isang tanggapan sa kabila ng pagod, ako'y napangiti naman dahil sa nabasa kong nagbigay ng kasiyahan sabi ba naman: Bawal umutot, lalo't siksikan pinangingiti ka kahit hapo ka sa gawain kaya kalatas sa sasakyan ay basa-basahin mapapaisip kang talaga pag iyong namnamin minsan, dapat ding ngumiti kahit may suliranin upang ang iyong kalooban ay lumuwag man din - gregbituinjr.,11-25-19

Gawing ekobrik ang upos ng yosi

para raw akong baliw na nag-iipon ng upos ng yosi, na pawang kalat na di matapos-tapos tangka kong i-ekobrik ang upos na di maubos pagkat epekto sa paligid ay kalunos-lunos kung ako lang mag-isa, makababawas ng konti ngunit kung marami ang gagawa, bakasakali; iyang upos ang isa sa basurang naghahari sa dagat, kinakain ng isda't nakakadiri sa latang walang laman, mga upos ay tipunin para sa kalikasan, ito'y isang adhikain bakasakaling makatulong makabawas man din sa milyun-milyong upos, libu-libo'y iipunin mas mainam kung darami pa ang gagawa nito lalo na't tutulong ang mismong naninigarilyo isisiksik sa boteng plastik ang upos na ito at kahit paano'y makatulong tayo sa mundo ie-ekobrik na upos ay tawaging yosibrik paraan upang mabawasan ang upos at plastik mga upos ay i-yosibrik, sa bote'y isiksik upang mga basura'y di na sa atin magbalik - gregbituinjr.

Ilang Tanaga sa Pagkilos

dukha'y kawawa nga ba sapagkat walang pera o kikilos din sila kapag naorganisa di dapat kawawain ang dukhang kauri rin pagkat kasama natin sa adhika't layunin laban sa mapang-api, pamahalaang bingi, lipunang walang silbi, kaya dapat iwaksi di dapat kaawaan ang dukha't lumalaban silang sigaw din naman: baguhin ang lipunan panawagan ng masa: wakasan ang sistema lipuna'y palitan na ng inaaping masa hukbong mapagpalaya ang uring manggagawa na dapat laging handa sa pagharap sa sigwa kapitalistang gumon sa kontraktwalisasyon sa lupa na'y ibaon ang susi'y rebolusyon tara't magkapitbisig ipakita ang tindig dapat nating mausig ang sanhi ng ligalig * ang TANAGA ay uri ng tulang may tugma't sukat na pitong pantig bawat taludtod at apat na taludtod sa bawat saknong * Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), i

Minsan, mahirap maglakbay sa pagdaan ng sigwa

minsan, mahirap maglakbay sa pagdaan ng sigwa lalo't matinding bagyo'y iyong makakasagupa dapat magbiyakis sa pagtawid natin sa baha itataas itong laylayan upang di mabasa lalo't dadalo sa pulong, dapat ay presentable di gusot ang suot dahil sa ulan at biyahe di maganda kung basang-basa ka na't anong dumi di ka na makaporma sa magandang binibini nakakapote ka man sa panahon ng tag-ulan at tatahakin ay mataas na tubig sa daan magbiyakis nang di mabasa ang iyong laylayan mag-ingat hanggang makarating sa paroroonan minsan, pagtila ng ulan ay magandang hintayin kaysa lumusong sa baha't baka ka pa sipunin kaysa basurang aanud-anod ay sagupain maliban kung may takdang oras palang hahabulin - gregbituinjr. * pagbiyakis - itinaas ang pantalon upang di mabasa

Pagtahak sa naiibang mundo

maraming araw-araw na lang nag-iinom sila at pag tumatagay sila, animo'y ang sasaya naghahalakhakan pag katagay na ang barkada tila ba tinahak nilang daigdig ay iisa ngunit pag natapos ang inuman, mag-isa na lang tila ba bumalik sa dating mundong kinagisnan walang trabaho, panay problema, pulos awayan tila di malaman kung anong pagkakaperahan iba ang mundo ng tagay, doon sila'y prinsipe doon ay nabubuo nila ang mundong sarili walang problema, tawanan, animo'y komedyante paraan ng pagtakas sa problemang di masabi tagay ng tagay, di na kinakaya ang mamuhay pagsayad ng alak sa sikmura'y may ibang buhay nililikha'y sariling daigdig na walang lumbay nanghihiram ng saya pansamantala mang tunay araw-gabi na lang ay nasa pantasyang daigdig at tumatakas sa problemang di nila madaig marahil kung di sila lango, kulang sa pag-ibig kaya kung anu-ano na lang ang nasok sa bibig - gregbituinjr.

Mga Tibok ng Diwa

MGA TIBOK NG DIWA isipin mo ang mundo at nagbabagong klima anong pakiramdam mo sa iyong nakikita ang lupa'y iyong damhin sa pintig ng alabok mundo'y may tagubilin kung anong tinitibok payo'y pangalagaan itong kapaligiran huwag pababayaan ang ating kalikasan ilog ay umaagos ang ulan ay tikatik sa puso'y tumatagos ang kaysarap na halik lalabhan ko ang damit ng diwata ng gubat pawis na nanlalagkit sa palad ay kaybigat basurang nabubulok ay iyong ihiwalay sa hindi nabubulok itapong hindi sabay sahig ay lumangitngit pagkat kayraming butas narinig hanggang langit ang pagaspas ng limbas mawawala ang puno pag laging nagpuputol pag gubat ay naglaho ang buhay ay sasahol - gregbituinjr. * unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Nobyembre 2019, pahina 20

Pag sinampilong ka ng mutya

minsan, maalam ding magalit ang mga diwata lalo na yaong kaygandang dilag mong minumutya huwag mong hahayaang pumatak ang kanyang luha dahil nadama niyang niloko mo siyang pawa gawin mo ang marapat upang mawala ang galit ng sinisintang ang poot ay tila abot langit baka nadama niya'y karanasang anong pait sa piling mo't pagsinta pala niya'y nasa bingit pag sinampilong ka'y agad iwasang kapagdaka mag-ingat-ingat din, baka ikaw ay masungaba at tumama sa kung saan ang maganda mong mukha sa anumang mangyayari'y dapat lagi kang handa kung iibigin mo ang diwata'y maging matapat pagkat tila ibinibigay niya'y lahat-lahat kung magmamahal ka'y dapat ka ring maging maingat pagkat puso't damdamin ay nasasaktan ding sukat - gregbituinjr.

Iwas, salag, bigwas

dapat gawin nati'y pag-iwas, pagsalag, pagbigwas taktika sa pagdepensa sa masang dinarahas habang kumikilos tayo't masa'y pinalalakas at mga prinsipyong tangan nila'y pinatitigas magpalakas tayo't di lang lakas ng katuwiran nang mapigilan ang anumang bantang karahasan tuwina'y ipagtanggol ang pantaong karapatan kaya dapat nating depensahan ang uri't bayan iiwasan natin ang mga suntok ng estado kung makatama man sila'y salagin natin ito at kung mawala sila sa porma'y bibigwas tayo ng ala-Pacquiao na sadyang kaytigas ng kamao matutong umiwas, sumalag, bumigwas, tumabi makipagkpitbisig tayo sa ating kakampi matuto rin tayong bumigwas pag tayo'y inapi ngunit ilagan ang suntok ng mapang-aping imbi - gregbituinjr.

Hustisya sa hinalay na dilag

Imahe
grabeng balitang tila ba di ka matutunawan pag nabasa mo, sarili'y baka di mapigilan dahil sa galit, nakakapanginig ng katawan "katorse anyos na dilag ay sex slave ni insan"  anang ulat, ginagapang siya pag lasing ang suspek ginagalaw, nilalaspag, binababoy ang pekpek sa dalagita'y takot at lagim ang inihasik sa loob ng dalawang taon siya'y kinatalik madalas, dalawa silang naiiwan sa bahay subalit ang dalagita'y di na napapalagay pananahimik niya'y di nakatulong na tunay dahil nagpapatuloy ang nangyaring panghahalay hanggang di na iyon matiis pa ng dalagita kaya sinumbong sa kaanak ang nadamang dusa  nagresponde ang barangay, suspek ay dinakip na at kaso ng panghahalay ay agad isinampa dusa ng dilag ay kaytagal pang paghihilumin dapat managot ang suspek, siya'y pinsan pa man din dahil sa seks pinsang dalagita ang inalipin suspek ay dapat lang makulong sa ginawang krimen - gregbituinjr.

Ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas

lata ng sardinas ay ginawa ko nang titisan at tipunin doon ang titis at upos na iyan dapat din nating alagaan ang kapaligiran na kung di mo malinisan ay huwag mong dumihan ilagay sa titisan ang abo ng sigarilyo simpleng bagay lang itong hinihiling ko sa iyo anong paki ko kung sinusunog mo ang baga mo basta ilagay mo sa tama ang upos mo't abo ginagawa kong titisan ay ibinabahagi sa kakilala kong sunog-bagang di ko mawari di ko sila mapipigilan sa bisyong masidhi ang payo ko lang ay ayusin ang kanilang gawi ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas nang magamit nyo't titis ay di kumalat sa labas kaya munting payong ito'y aking pinangangahas upang magandang kapaligiran ang namamalas - gregbituinjr. * titisan - salitang Batangas sa ash tray

Di lang kuto o garapata kundi mga kato

di lang kuto o garapata kundi mga kato ang mga ganid na kapitalistang manananso sa likod ng manggagawa'y nanininipsip ng dugo tila mga buto nito sa tubo'y ginagato tingin nila sa manggagawa'y sampung perang muta na dapat lang baratin ang angking lakas-paggawa na kung susuriin animo'y paurong ang diwa na sa pagsisikap at buhay ng obrero'y banta nais ng kapitalistang mamuno sa lipunan na tila pabrika ang pagpapatakbo sa bayan na dambuhalang kato'y di naman naninilbihan na manggagawa'y kumakain na lang sa labangan sa karapatan ng obrero, ito'y isang dagok subalit palabang obrero'y di dapat malugmok manggagawa na ang mamahala't dapat maluklok kaya obrero'y maghanda sa pag-agaw ng tuktok - gregbituinjr. * kato - malaking garapata labangan - kainan ng mga biik

Sinasabuhay natin ang pakikibakang masa

sinasabuhay natin ang pakikibakang masa dahil sa niyakap nating prinsipyong sosyalista layunin nating baguhin ang bulok na sistema kaya ngayon, patuloy tayong nag-oorganisa ginagawa natin ay di lang simpleng pamumuhay dahil nakatuntong na ang isang paa sa hukay kumikilos na sosyalismo'y gabay at patnubay bagamat niyakap natin ang simpleng pamumuhay nakatakdang ang manggagawa ang sepulturero nitong pandaigdigang sistemang kapitalismo kaya dapat nating organisahin ang obrero upang mapang-aping sistema'y tuluyang mabago dapat nating patalasin ang ating pagsusuri at palakasing tuluyan ang diwang makauri upang ating madurog ang pribadong pag-aari at ibagsak ang bulok na sistemang naghahari ang imperyalistang atake'y di basta huhupa dahil narito tayong sosyalismo ang adhika dapat magkapitbisig na ang uring manggagawa sila bilang nangungunang hukbong mapagpalaya - gregbituinjr.

Kataksilan sa bayan

aba'y maituturing nang kataksilan sa bayan ang gawin pang bayani ang diktador na gahaman mga aktibista'y dinukot, tinortyur, sinaktan, pinaslang, gayong ipinaglaban ang karapatan kayraming winala noong kanyang panunungkulan at ngayon, diktador pa'y itinuring na bayani gayong siya sa karapatang pantao'y nameste siyang kasangga ang mga kapitalistang kroni siyang nagpayaman sa poder bilang presidente bilyon-bilyon ang sa kaban ng bayan diniskarte di bayani ang diktador, libingan ay hukayin ang puntod ng halimaw ay dapat lang distrungkahin ang kasaysayan ay pinipilit nilang baguhin di bayani ang diktador sa kasaysayan natin kaya ating sigaw: "Hukayin! Hukayin! Hukayin!" - gregbituinjr. * pang-apat na tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle

Nakaw na libing

di bayani ang diktador, iyo bang natatalos nang inilibing ang mula sa pamilya dorobos nagnakaw sa kaban ng bayan, dumami ang kapos dumami ang kroni, dumami rin ang binusabos mismong likod ng bayan ay pataksil na inulos ang kataksilan sa masa'y balaraw na tumagos lumabas sa lansangan pati matatandang tibak paano naging bayani, paduguin ang utak maraming winala, pinaslang, mga pinahamak at ngayon nga'y dignidad pa ng bayan ang yinurak nakaw na libing, sa likod ng bayan ay tumarak nakaw na libing ng magnanakaw na ibinagsak - gregbituinjr. * pangatlong tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle

Hukayin ang diktador

Hukayin ang diktador sa Libingan ng Bayani Upasala sa kasaysayan, ang masa ang saksi Kinamatayan na ng aktibistang anong dami Ang hustisyang hinahanap lalo ng mga api Yinanig ang bansa nang diktador ay inilibing Ito'y paraang panakaw, kaya masa'y nagising Nobyembre disiotso'y petsang nagbadya ang lagim Hustisyang hinahanap ay nagtago na sa dilim Umuwing nagngingitngit ang mga nakikibaka Kayraming biktima ng martial law, masa't pamilya At ngayon, diktador na di bayani'y bayani na Yaong sigaw nila'y "Hukayin!" para sa hustisya Isang pagsalaula na iyon sa kasaysayan Na dapat lang baligtarin ng mismong sambayanan - gregbituinjr. * pangalawang tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle

Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan

Imahe
Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan sa petsang ito'y sinalaula ang kasaysayan pagkat ang diktador ay inilibing sa Libingan ng mga Bayani, gayong walang kadakilaan di naman kabayanihan ang gawang diktadura kundi pawang pananakot at ligalig sa masa ngunit kayrami'y namatay, nawalan ng hustisya dinukot, sinaktan, pinaslang, nangawala sila inilibing ang diktador nang magdesisyon ang Korte Supremang doon sa Libingan ng mga Bayani ay dapat lang mailibing ang dating Presidente gayong para sa madla, mali iyon, di puwede Nobyembre disiotso, kayrami nang nagprotesta di makatarungan ang desisyon para sa masa hanggang ngayon, masa'y nananawagan ng hustisya: "Hukayin! Hukayin!" sigaw ng masa'y "Hukayin na!" - gregbituinjr. * unang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idin

Pagbati ko po'y maligayang kaarawan, ama

pagbati ko po'y maligayang kaarawan, ama nawa'y nasa mabuti kang kalagayan tuwina maraming salamat at palaging naririyan ka upang pagsabihan kami't magpayo ng maganda nawa'y lagi kang nasa maayos na kalusugan bagamat magkaiba tayo ng prinsipyong tangan kaiba man itong aking tinahak na larangan narito tayo't nagtutulungan kung kailangan dumatal na kayo sa edad na pitumpu't walo na sinapit na ang tatlong-kapat ng isang siglo hatid ko'y pasalamat sa buo kong pagkatao pagkat dinisiplina't hinubog ng aral ninyo nawa'y manatili kayong malusog, aming tatay lumakas pa kayo't humaba pa ang inyong buhay maligayang kaarawan po ang pagbating tunay taas-noo pong pagpupugay, mabuhay ka, Itay! - gregbituinjr.

Itataas natin ang bandila ng katarungan

sige, tuligsain mo akong di hari ng lumbay habang sa mga isyu't problema'y nakatugaygay dama mo bang dapat ka ring maghimagsik na tunay upang di magiba ang itinayo nating tulay di dumadaloy ang ilog sa paanan ng lungsod dahil pawang putik na't marami roong nalunod makakapuno rin sa patak mula sa alulod basta't mayroong malaki kang timbang nakasahod sinuman ang mag-alay sa bayan ng dugo't pawis pagkat ang paghihirap ng dukha'y di nila matiis dapat kumilos upang kapitalismo'y magahis at sa mga gahamang trapo'y huwag magpatikis taas-noo tayong kikilos hanggang kamatayan taas-kamaong makikibaka para sa bayan itataas natin ang bandila ng katarungan para sa pagbabago ng kinagisnang lipunan - gregbituinjr.

Nadarama ng dibdib ang parating na panganib

nadarama ng dibdib ang parating na panganib habang ako'y patungo sa isang pook na liblib habang kasabay ang dilag na may pagsintang tigib habang naaapakan ang malalaking kuwitib bakit dapat pag-aralan ang galaw ng lipunan? bakit laksa'y mahirap at mayaman ay iilan? bakit inaaring pribado ang yaman ng bayan? bakit mapagsamantala'y sa masa'y hagikhikan? di ba't para sa lahat ng tao ang mundong ito? bakit karapatang pantao'y di nirerespeto? tangan ba tayo sa leeg ng mga pulitiko? at ang masa'y pinaglalaruan lang ng gobyerno? parating na panganib ay nadarama ng dibdib habang nangangati pa ang papagaling na langib habang may nakaabang sa malalaking talahib habang trapo'y nagbabantang ang masa'y masibasib - gregbituinjr.

Halina't patuloy na kumilos

wala raw nagrerebolusyon, sabi ng kasama di naman daw tayo manalo sa pakikibaka subalit patuloy akong kumikilos sa masa kaysa magmukmok lang sa paghahanap ng hustisya patuloy pa rin ang salot na kontraktwalisasyon sa lugar ng dukha'y nagbabanta ang demolisyon sa mga lupang ninuno'y may militarisasyon niyuyurakan ang karapatang pantao ngayon dapat lang kumilos sa maraming isyu ng bansa dapat nating mapakilos ang uring manggagawa sa maraming isyu'y di tayo dapat tumunganga kundi ang mag-organisa, mag-organisa pa nga huwag tayong padadala sa mga negatibo tulad ng ibang tila ba nagsawa na sa isyu huwag tayong bibitaw sa niyakap na prinsipyo pagkat sa sama-samang pagkilos lang mananalo halina't kumilos pa rin, tayo'y magrebolusyon sa punang di naman manalo'y huwag magpakahon sa pakikibaka'y magsuri't maging mahinahon huwag hahayaang maihi na lang sa pantalon - gregbituinjr.

Paglalakad ng kilo-kilometro para sa isyu

makakapaglakad pa ba ang mga aktibista ng kilo-kilometro para sa isyung pangmasa naglakad nang itaguyod ang hustisya sa klima at naglakad din para sa laban ng magsasaka sumama noon mula Luneta hanggang Tacloban mula Lyon hanggang Paris sumama sa lakaran mula klima'y tinuloy sa pantaong karapatan at mula C.H.R. hanggang Mendiola'y naglakaran sumama sa laban ng mga katutubo noon Lakad Laban sa Laiban Dam ang aming nilayon magsasaka'y kasama mula Sariaya, Quezon upang ipaglaban naman ang CLOA nila noon paraan ng pagtindig sa isyu ang paglalakad sa bawat madaanan ay aming inilalahad ang mga isyung pangmasa't problemang matitingkad nang mapag-usapa't baka malutas ito agad ang paglalakad ay bahagi ng pakikibaka maliliit at naaaping sektor ang kasama kung naglalakad man kami'y upang maipakita sa madlang nadaraanan ang isyung mahalaga - gregbituinjr.

Nais ko'y ibang paraan ng pagkatha

sa pagkatha ng tula ako'y di na nalulugod lalo't sa isang estilo na ako napupudpod napako sa labinlimang pantig bawat taludtod animo tugma't sukat na ito'y nakalulunod nais ko ng mga bagong estilo ng pagtula dapat ko itong pag-isipan, maging mapanlikha balikan ang kasaysayan ng dalit at tanaga o kaya'y mag-eksperimento sa bawat pagkatha haynaku! hay naku, naku! gagawa ba ng hayku di ko nagawa noong hayskul ang ganyang estilo kinahiligan ko na noon ang Balagtasismo o susundan ko ang soneto't iyang Modernismo patuloy kong minahal ang pagkatha't panitikan kahit saan sumusulat, kahit sa palikuran nagbabasa, nag-aalay ng tula kaninuman pati ang kaharap na isyu't problema ng bayan ikaw, aking mutya, ay malugod kong kakathain sa aking puso't isipan, kaisa sa hangarin kasama sa paglalakbay, malayo man sa akin pagkat ikaw ang panitikang aking kakatasin - gregbituinjr.

Bukod sa aktibismo'y may iba pa akong mundo

bukod sa aktibismo'y may iba pa akong mundo anila'y di nila maunawaan ang mundo ko bukod sa aktibismo, mundo ko'y tula at kwento mga sanaysay hinggil sa lipuna't pagbabago di naman pinid ang pintuan ng aking daigdig kung saan sa aking haraya'y kayraming tinig kahit pipi'y nagsasalita, dinig mo ang pintig bulag ay nakakakita, bingi'y nakakarinig nagniniig ang mga salita sa daigdig ko pinasasayaw ko ang nagbabagang alipato nakakaligtas pa ang mga api sa asunto na dulot ng mga sakim at mayayamang tuso naglalakbay ako sa daigdig ng panitikan isinusulat ko ang literatura ng bayan pasensya kung minsan, di mo ako maunawaan doon sa mundo ko'y may dignidad ang mamamayan pagkat sa aking mundo'y ako ang manlilikha isang inspirasyon ang maging ganap na malaya minsan, mayaman ako, at madalas ako'y dukha mahalaga'y kumakatha ako ng kwento't tula - gregbituinjr.

Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan

Imahe
Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan pagkat petsa ito ng pagyurak sa kasaysayan ang petsang inilibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani, gayong walang kabayanihan ikalabingwalo ng Nobyembre'y bakit naganap sampung araw bago pa iyon ang Korte'y nangusap na pwede nang malibing ang "bayaning" mapagpanggap sa libingang  sa madla'y di naman katanggap-tanggap "Hukayin! Hukayin!" sigaw ng marami: "Hukayin!" ilipat na sa ibang libingan ang labi't libing "Libingan iyon ng mga bayaning magigiting!" "Diktador ay di bayani, dapat iyong tanggalin!" diktador ay nilibing doong parang magnanakaw ang bituka yata nila'y sadyang ganyan ang likaw Nobyembre disiotso'y petsang tumatak ang araw ng muling pagtaksil sa bayang sa hustisya'y uhaw kaya kumilos tayo sa Nobyembre disiotso gunitain ang petsa't dinggin ang hiling ng tao: sa Libingan ng mga Bayani'y maalis ito Di bayani ang dikt

Di ka matino pag di ka tumupad sa usapan

"6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] that respects, his/her word is a pledge.)" ~ mula sa Kartilya ng Katipunan di ka matino pag di ka tumupad sa usapan nasaan na ang dangal mo kung walang katapatan balewala ang usapan? ang OO'y salita lang? di yata inaral ang Kartilya ng Katipunan: sa ikaanim na talata, "Sa taong may hiya" ay tinapos na nito sa "salita'y panunumpa!" nakasulat na ito'y dapat nating maunawa kaakibat ng pagkatao ang bawat salita pag nagbitaw ka ng salita, aba'y tuparin mo huwag gagaya sa sinungaling na pulitiko kaakibat ng binitawang salita'y dangal mo lalo't karugtong din nito'y prinsipyo't pagkatao  di ako nangongonsensya kung sadyang ganyan ka na sa akin lang, salita mo'y unawain mo sana maganda ang usapan, umoo ka, nariyan ka bumiyahe ako, dumating, kumatok, wala ka anong nangyari, mga salita'y binalewala? o baka ti

Bakit nang-iindyan ang lider kong kinikilala

bakit nang-iindyan ang lider kong kinikilala kanina'y ayos lang pumunta ako sa kanila upang mapag-usapan ang mga isyu't problema bakit ba biglang nang-indyan ang lider kong kilala nais ko lang namang tuparin ang napag-usapan kung di pala tuloy, bakit di ako sinabihan kanina, sabi niya'y "sige", aking pinuntahan at nang nasa lugar na ako, siya'y wala naman tineks ko siya't tinawagan, sarado ang selpon kahit sa messenger sa fb, wala siyang tugon siya'y lider kong kinikilala, noon at ngayon tumutupad sa usapan, tila ako'y nakahon sayang ang pamasahe, panahon ko't ipinunta subalit dapat tuparin ang usapan kanina sana kung ako'y nasabihan niya ng maaga di sana tumuloy nang panaho'y di naaksaya magaling siyang lider, ako sa kanya'y saludo kahit mga salita'y pinapako pala nito mahusay siyang lider, sadyang tapat at totoo kahit salita'y pinako tulad ng pulitiko - gregbituinjr.

Dapat baguhin ang sistema't tigpasin ang bugok

tambak pa ang mga ulol dito sa daigdigan di pa maubos-ubos ang kanilang kasamaan nakakairita bakit ba ganyan ang lipunan dahil lang sa pribadong pag-aari'y nagkaganyan pribadong pag-aari'y ganap na pribilehiyo lang ng iilan, habang laksa'y mahirap sa mundo kung sanlibong ektarya'y ari lang ng isang tao magsasakang walang lupa'y tiyak kayrami nito dahil sa lintik na titulo, kayraming mahirap di na maari ang lupang sinaka nilang ganap ang umalis sa lupang ninuno'y nasa hinagap kung nais mabuhay, kahit di iyon ang pangarap halina't bakahin ang ganitong sistemang bulok na sa salinlahi ng tao'y sadyang umuuk-ok subalit di wastong magmukmok lang sa isang sulok dapat baguhin ang sistema't tigpasin ang bugok - gregbituinjr.

Pagbati sa UATC!

moog na ang United Against Torture Coalition upang karapatang pantao'y matamasa ngayon ngunit dinaranas sa kasalukuyang panahon may banta pa rin ng tortyur sa ating henerasyon kaysa tortyur, mas mabigat ang nangyayaring tokhang na ang biktima, matapos saktan, ay pinapaslang naninibasib pa ang rehimen ng mga halang na di mo malaman kung ang pinuno nila'y hibang nabalita noon, may lihim na detensyon pala buti na lang, may naglantad ng kalokohan nila gumawa ba'y dinisiplina't naparusahan ba upang napiit ay may asahang bagong umaga ang batas laban sa tortyur ay gawin nang palasak may wastong proseso nang bilanggo'y di mapahamak taas-kamaong pagpupugay, puso'y nagagalak sa pansampung anibersaryo ng Anti-Torture Act - gregbituinjr. * nilikha at ikalawang tulang binasa ng makata sa pagtitipon ng United Against Torture Coalition (UATC), Nobyembre 11, 2019

Tama na ang tortyur, tigilan na ang pananakit!

sinasaktan ba ng pusa ang nahuhuling daga kakagatin ba ng aso ang matanaw na pusa at kinakagat ba ng tagak ang malansang isda nangyayari pa rin ba ang mga tortyur sa bansa paano bang mga pinuno'y nagpapakatao paano bang mundo'y maging payapa't walang gulo  paano pinapuputok ng aspile ang lobo paano bang ang tortyur ay mawala na sa mundo nadarama nyo ba ang sakit ng bawat kalamnan naririnig nyo ba ang daing ng mga sinaktan paano ba nirerespeto bawat karapatan upang wala nang tortyur sa piitan o saanman ayaw na naming sumigaw ng laksa-laksang impit tama na ang tortyur, tigilan na ang pananakit dapat namumuno'y may respeto't sariling bait sana'y wala nang tortyur, karapatang pinagkait - gregbituinjr. * nilikha at una sa dalawang tulang binasa ng makata sa pagtitipon ng United Against Torture Coalition (UATC), Nobyembre 11, 2019

Kung wala kang maitulong

nais na tanungin ako sa aking karamdaman gusto lamang palang mag-usisa, wala din naman tutulong? iyon pala, siya ang may kailangan kwentuhan muna, maya-maya, sinong mautangan naroroon lamang akong dinaramdam ang sakit nagpapagaling sa dumapong sadyang anong lupit ramdam ko'y parang busog at palasong binibinit tila mukha'y binabanat, buhay ay nasa bingit tapos, nariyan kang nangungusap ng anong pakla habang ako'y naliliyo't sa kwento'y napapatda nababarat tuloy ang niyakap na panimula habang nakikinita ko na ang aba kong lupa kung wala kang maitulong, huwag ka nang magtanong manahimik na lang, kung walang perang pasalubong anong paki mo, kung buhay ko'y wala nang karugtong ang itulong mo na lang ay pambayad sa kabaong - gregbituinjr.

Inhustisya

“Injustice anywhere is a threat to justice everywhere. We are caught in an inescapable network of mutuality, tied in a single garment of destiny. Whatever affects one directly, affects all indirectly.”  ~ Martin Luther King Jr., Letter from the Birmingham Jail ang kawalang hustisya saanmang panig ng mundo ay banta sa hustisya sa iba pang lugar dito kung may kawalan ng katarungan sa kapwa tao apektado rin ang katarungang para sa iyo binato ang langit, nang matamaan ay nagalit binato kasing paitaas. at sadyang kaylupit kaya sa mukha bumalik, umiyak parang paslit nawa sa biktima, hustisya'y huwag ipagkait leron, leron sinta, sa hustisya'y may nagbabanta buhay daw ay barya lang, kaylupit ng pinagpala bata, bata, isang perang muta, may bumulagta kaya mahal sa buhay ay naroong lumuluha kung may nabalitaang walang prosesong pinaslang baka sa susunod, ikaw naman ang matamaan kaya marapat lang, sa nangyayari'y makiramdam huwag mong balewalain

Lugi raw ang negosyo

lugi ang negosyo, ito ang laging bukambibig ng mga kapitalistang animo'y masigasig matiyagang durugin ang obrerong kapitbisig at masipag posasan ang sa manggagawang tinig lugi raw ang negosyo, di dahil lugi talaga kundi di naabot ang tubong nasa plano nila kung dalawampung milyong pisong tubo'y plano nila lugi na kahit sampung milyong piso ang kinita ang pinapakita ng kapitalista sa unyon huwag magtaas ng sahod, pagkat di pa panahon pangangatwiran ng kapitalista'y nakakahon dahil magsasara raw ang kumpanya pag naglaon kaya mumo lang kung sweldo ng obrero'y itaas barya lang bawat araw dahil ito raw ang patas ngunit para sa unyon, katwiran nito'y gasgas magkaiba kasing uri't iba ang nilalandas para sa kapitalista, pangunahin ang tubo at gastos lang ang manggagawa, nakapanlulumo di pantay na lagay sa pabrika'y dapat maglaho at obrero sa adhika'y magtagumpay ng buo - gregbituinjr.

Sa paglaya

kahit kami'y mga dating bilanggong pulitikal ay pagsisilbi pa rin ang sa diwa'y nakakintal lumaya't ang pagsasama pa rin ay nagtatagal pagkat nagkakaisa pa rin sa prinsipyo't dangal nais pa rin naming labanan ang bayang tiwali at nais pa ring bulok na sistema'y matunggali pag may problema ang bayan, di kami humihindi patuloy na kikilos, di papayag maduhagi aaralin pa rin bakit ganito ang lipunan kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan bakit kayrami pa ring pinagsasamantalahan bakit laksa'y naghihirap at maykaya'y iilan nagkakaisa pa rin kami ng inaadhika oorganisahin pa rin ang uring manggagawa dedepensahan pa rin ang bayan at mga dukha mula sa kuko ng mapagsamantala'y lalaya - gregbituinjr. * sinulat habang nagpupulong ang XD Initiative, Nobyembre 10, 2019

Ako'y Leninista, tagapagtaguyod ni Lenin

Ako'y Leninista, tagapagtaguyod ni Lenin Pinag-aaralang mabuti ang kanyang sulatin Kasaysayan niya sa kapwa'y tinuturo man din Upang lider na ito'y mas kilalanin pa natin Siya'y magaling na lider ng partidong Bolshevik Mga nagawa sa rebolusyon ay natititik Sa mga manggagawa't dukha'y duminig ng hibik Tinulungan ang mga ito upang maghimagsik Nagtagumpay ang mga Bolshevik sa rebolusyon Kaya't aral ni Lenin ay inaaral din ngayon Tinawag na Leninismo ang diwa niyang iyon Kaya ang tagumpay nila't nagawa'y inspirasyon Nais nating itayo ang lipunang manggagawa Kaya aral ng Leninismo’y aralin nang kusa Halina’t aralin ang kanyang mga halimbawa At durugin na ang kapitalismong dala’y sigwa Kaya manggagawa, halina’t maging sosyalista At buuin ang mga Buklod sa bawat pabrika Ang Marxismo’t Leninismo’y aralin sa tuwina At tayo’y sumumpa bilang ganap na Leninista - gregbituinjr.

Itago ko lang daw muna ang mga tula

ani  misis, itago ko lang daw ang mga tula upang may mahuhugot kung magpapasa ng akda ngunit karamiha'y tulang pulitikal ang likha di pampasa sa paligsahan ang mga kinatha kaya mga katha sa blog ko'y agad nilalagay upang di mawala ang likhang aking napagnilay upang balang araw, sakaling ako na'y mamatay ang mga tula ko'y nariyan kahit nasa lumbay salamat sakaling may magtitipon nitong tula lalo't inaadhika niyang ito'y malathala bilang makapal na aklat ng hininga ko't diwa bilang librong mula sa puso ng abang makata kaya tula'y paanong sa baul lang itatago kung aanayin lang ito't ako'y masisiphayo mabuting malagay sa blog bago ito maglaho hayaang ibang henerasyon yaong makatagpo - gregbituinjr.

Pagninilay sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda

ang masa'y tigib pa rin ng panawagang hustisya sa ikaanim na anibersaryo ng Yolanda di pa rin nababalik sa dati ang buhay nila at wala pa ring bahay ang maraming nasalanta may mga ginagawa pa ba ang pamahalaan? upang mapanumbalik ang buhay ng taumbayan anong ginagawang tulong sa mga namatayan? upang dinaranas ng kanilang puso'y maibsan lilitaw pa rin sa silangan ang magandang bukas ngunit sa mga nasalanta'y di ito mabakas tanging paghanap ng katarungan ang binibigkas at baka may hustisya sa tinatahak na landas hibik ng mga nasalanta ni Yolanda'y dinggin at matitinong programa sana ang maihain huwag lamang pagtulong ay lagi lang bibigkasin kundi tunay na pagkilos ang nararapat gawin - gregbituinjr.

Bawal na raw ang plastik, anang pangulo

mga plastik daw ay ipagbabawal na ni Digong sino pang makakausap niya sa kanyang kampon? pagbabawal ba niyang ito'y isa lang patibong? ang tumutuligsa sa kanya'y maging mahinahon? ngunit sa paligid, kayraming naglipanang plastik plastik na pulitiko ba'y kaya pang i-ekobrik paano na siya pag pinagbawal na ang plastik? ang aklat ng kasaysaya'y paano itititik? ang pangulo na ba'y naging makakalikasan na? lalo't napuno ang dagat ng plastik na basura? patunayan niyang makakalikasan na siya di lang plastik kundi Kaliwa Dam ay tigilan na! sa isyung pangkalikasan, siya na'y nakialam ngunit taumbayan ay dapat pa ring makiramdam walang mga plastik, walang proyektong Kaliwa Dam ngunit sa ngayon, mga ito'y pawang agam-agam - gregbituinjr.

Sanggol na isang taong gulang, ina pa ang pumaslang

Imahe
kasuklam-suklam ang ginawa ng ina sa anak! bata'y pinatay dahil lang nairita sa iyak! anong nangyari't nagkaganito ang kanyang utak? at sarili pa niyang dugo itong pinahamak? isang taong gulang ang sanggol, isang taong gulang ngunit sarili pang ina ang sa kanya'y pumaslang nasiraan na ba ng bait ang kawawang ginang? bakit sariling anak ang sa dugo'y pinalutang? humiwalay na ba ang puso sa ulo ng ina? at walang awang tinaga ang mismong anak niya? tama bang pumaslang kung sa iyak lang nairita? o nadamay ang bata sa iba niyang problema? habambuhay niyang pagsisisihan ang nangyari baka tuluyang mabaliw, di na makapagsisi! biktima rin ba siya ng lipunang mapang-api kaya bumigay ang utak at gayon ang nangyari? katarungan sa batang pinaslang ng walang awa hustisya sa batang sariling ina ang tumaga  baliw na ina'y ikulong sa rehas at isumpa hayaan siya roong araw-gabi'y lumuluha gregbituinjr. * ang tula'y batay sa

Si Lenin, ang Dakilang Bolshevik

Si Vladimir Lenin ay isang dakilang Bolshevik Na dapat nating aralin ang kanyang hinimagsik Anong pamana niya upang madurog ang lintik Na kaaway ng bayang masa’y nilublob sa putik Bayani si Lenin para sa uring manggagawa At isang inspirasyon ang kanyang mga nagawa Obrero’y mulatin para sa sosyalistang diwa  At sa rebolusyon, manggagawa’y ating ihanda  Sa pagkilala kay Lenin, ang rebolusyonaryo Ating itaguyod ang kapakanan ng obrero Ibagsak ang bulok na sistema sa ating mundo Pagkaisahin ang masa para sa sosyalismo Aral ni Lenin at ng Bolshevik ay inspirasyon Sa bulok na sistema’y huwag tayong magpakahon Halina’t makibaka, sa hirap tayo’y aahon Aral ng Leninismo’y aralin na natin ngayon - gregbituinjr. * Ang tula'y nilikha kasama sa powerpoint presentation hinggil sa Talambuhay ni Lenin na inihanda ng may-akda para sa pagsisimula ng Lenin 150 Seminar Series, kasabay ng ika-102 anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre.

Bitin pa rin ako sa aking mga ginagawa

bitin pa rin ako sa aking mga ginagawa animo'y dumaan ang sigwang di pa humuhupa problemang nakikita'y tila baga lumalala ulan ay di tumitila, baha'y di bumababa bakit ba sa mga aktibista'y naiinis ka anong aming ginawa upang ikaw ay magdusa wala, kundi patuloy lang kaming nakikibaka upang palitan na ang nabubulok na sistema dapat ko nang matapos ang mga ginagawa ko pagkat presentasyon sa klase'y mamaya na ito handa na kaya ako, di kaya ito magulo di pwedeng bahala na, nais kong maging pasado mamaya na ito kaya gawin ang dapat gawin kung puyat, pahinga konti, ngunit dapat tapusin gayunpaman, ang kalusugan ay alalahanin marami pang gagawin, lipunan pa'y babaguhin - gregbituinjr.

Palaisipan, ehersisyo sa isipan

bumili na naman daw ako ng palaisipan pagkain ng utak, imbes na pagkain ng tiyan walang ibang palipasang oras kundi sagutan ang biniling sudoku't krosword kapag tanghalian anong magagawa ko't nasasarapang sumagot sa maraming palaisipang dati'y di ko abot ngayon, pag di alam, ang ulo'y kinakamot-kamot animo'y nasa kuko ang sagot na di mahakot aba'y bilib din naman ako't nakakabuo rin ang buong palaisipan ay nasasagot man din sudoku, logic puzzle, krosword, pakaiisipin animo'y di nagsasawa, araw-gabi mang gawin halina't sagutan ang palaisipang narito pampalipas ito ng oras at pampatalino bakasakaling pampaganda pa rin ng araw mo pag wala ka pang ginagawa'y sagutan mo ito - gregbituinjr.

Kubeta ang pinakamasarap kong pahingahan

pinakamasarap kong pahingahan ang kubeta dito ako nagbabate't nagninilay tuwina maingay man sa labas, kapayapaan ang dama hubad na hubas, walang pagdurusa, anong saya sa inidoro'y nagninilay akong nakaupo iniisip paanong mga salot ay masugpo subalit di ko nadaramang ako'y mabibigo bagamat paminsan-minsan naman natutuliro minsan, nagbabasa doon ng paboritong aklat o kaya'y sinasagutan ang sudokung nabuklat minsan, nagbabasa ng sanaysay na mapagmulat o kaya sa diwa'y may kwentong dapat maisulat kubeta ang pinakamasarap kong pahingahan isa itong sangtwaryo, masarap maging tambayan magtatampisaw habang binabasa ang katawan basta may tabo, timba't tubig, dama'y anong alwan kubeta ang pahingahan kong pinakamasarap pagkat doon ko hinahabi ang laksang pangarap habang sa araw-araw, patuloy na nagsisikap upang magbunga ang mga plano sa hinaharap - gregbituinjr.

Patindihin ang tunggalian sa bayan natin

ginugunam-gunam ko ang nangyayari sa bayan bakit lumalala ang kahirapan sa lipunan sinong kikilos upang umalpas sa kahirapan ang mayoryang mamamayang dukha sa daigdigan dapat kumilos ang masa bilang iisang uri durugin ang mga elitistang mapagkunwari magsama-sama ang walang pribadong pag-aari kundi lakas-paggawa, ibagsak ang naghahari durugin ang mga bilyonaryo, di sa pisikal kundi sa kalagayan sa lipunan ng kapital gawin nang pantay ang kalagayan ng mga mortal at durugin ang lahat ng elitistang imoral kapitalismo'y dapat lalo nating paunlarin upang tumindi ang tunggalian sa bayan natin nang mag-aklas ang manggagawa't dukhang inalipin uring api't uring manggagawa'y ating kabigin halina't palakasin ang uring obrero't dukha at organisahin ang inaapi't hampaslupa isulong ang sosyalismong ating inaadhika na sadyang lipunan para sa uring manggagawa - gregbituinjr.

Itigil na ang blokeyo sa Cuba!

Imahe
patuloy ang blokeyo sa Cubang mapagpalaya dahil itinulak ng Amerikang dambuhala ginugutom ng Amerika ang sa Cubang madla subalit di sumusuko ang maliit na bansa matibay ang paniniwala ng mga Cubano sa tangan nilang prinsipyo't gabay - ang sosyalismo hinding-hindi sila susuko sa Amerikano lalo't nilalabanan nila ang imperyalismo hinaharang ang pagpasok ng pinansya't komersyal embargo'y kaytindi sa usaping ekonomikal higit limang dekada na ito, sadyang kaytagal sa kabila nito, bansang Cuba'y di natigagal itigil ang blokeyo sa mapagpalayang Cuba dapat lang lumaya sa kuko ng imperyalista may karapatan din silang mamamayan ng Cuba tulad ng mamamayan natin, bansang Amerika itigil na sa Cuba ang mapang-aping blokeyo blokeyo'y sumisira sa karapatang pantao sa Cuba'y itigil ang di makatarungang trato at Amerika'y dapat maging bansang makatao - gregbituinjr. * nilikha ng makata sa Public Forum and Discussion on

Nakahiga siya roon sa bangketang semento

Imahe
nakahiga siya roon sa bangketang semento may karatulang "pangkain lang po" sa tabi nito kaawa-awang pulubing tulad natin ay tao sa gutom ay tila baga mamamatay na ito anong ginagawa ng gobyerno sa tulad nila? hinigaang bangketang semento'y di naman kama sa pulubi ba'y anong nararapat na hustisya? upang dignidad niya't pagkatao'y maisalba halina't dinggin ang daing ng kawawang pulubi marami sa kanila'y nariyan sa tabi-tabi nanghihingi, sa bayan ba'y anong kanilang silbi? kinakausap pa ba sila, anong sinasabi? sila ba'y pulos himutok na di na makayanan? sila ba kaya pulubi'y nasira ang isipan? anong tulong ang magagawa ng pamahalaan? madarama pa ba ng pulubi ang kaalwanan? - gregbituinjr.

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Imahe
aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip sila'y simbolo ng ating ina, dapat maisip huwag babastusin sa salita, kahit gahanip at huwag tingnang mababang uri, dapat malirip kahit sa karatula sa dyip, dapat may respeto dahil mga babae ang kalahati ng mundo maling-maling sa karatula'y nakasulat ito: "kahit anong ganda mo, driver lang ang katapat mo!" macho ba ang pakiramdam mo pag iyong sinabi? na parang kaya mong kunin kahit sinong babae? "basta driver, sweet lover", matagal nang pasakalye sa dyip, ngunit respetuhin sinumang binibini sa loob man ng dyip, igalang ang kababaihan huwag mo silang ituring na parausan lamang tulad ng iyong mahal na ina'y dapat igalang sila'y tao ring tulad mong may puri't katauhan - gregbituinjr.

Tanaga sa pakikibaka

damhin ang pagdurusa ng masang maralita dinig at dama mo ba ang daing nila't luha halina't makibaka kahirapa'y labanan palitan ang sistema baguhin ang lipunan nakatarak sa dibdib ang balaraw ng hirap dapat nang masibasib ang mga mapagpanggap dukha'y pagkaisahin nang sila'y maghimagsik elitista'y lipulin at ilublob sa putik diwa ng rebolusyon ay ating pag-aralan at maging mahinahon sa pakikipaglaban di tayo naglalaro tayo'y naghihimagsik ang gagong namumuno ay dapat mapatalsik bantayan mo ang bata baka ulo’yumpugin ang isang perang muta baka niya kainin - gregbituinjr. * Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2019, p. 20.

Paano ba pinahahalagahan ang winika

paano ba pinahahalagahan ang winika lalo't galing sa sariling bibig yaong kataga sa Kartilya ng Katipunan nga'y may sinalita: sa taong may hiya, bawat salita'y panunumpa mabigat ang salita kaya dapat pag-ingatan bago magbitaw ng salita'y dapat pag-isipan gaano man ang poot, dapat magkaunawaan maging mahinahon at suriin ang kalagayan paano kung sa galit mo'y tungayaw ng tungayaw at isinusumpa mo na ang kalaban mong hilaw kayrami nang sinabi't ikaw pala'y naliligaw mag-ingat sa binitawan, ang salita'y balaraw kung nangako ka sa tao tulad ng pulitiko kung may hiya ka, mga pinangako'y tuparin mo ang pag-iingat sa salita'y pagpapakatao makipagkapwa't huwag magsalita ng patalo halina't pakinggan mo ang pinuputok ng dibdib pagnilayan kung anong emosyong naninibasib pag-isipan ang sasabihi't baka mapanganib kaakibat ng salita'y pagkatao mong tigib - gregbituinjr.

Kahit isang kusing lamang ang matira sa bulsa

kahit isang kusing lamang ang matira sa bulsa tuloy pa rin sa layuning makapag-organisa dumugo man ang noo't ilong sa pakikibaka tuluy-tuloy pa rin ang ugnayan sa uring aba naghihirap man, patuloy sa dakilang layunin maglakad man ng malayo para sa adhikain tutuparin ang misyon at niyakap na hangarin upang kamtin ang pinapangarap na simulain kamulatang makauri, karapatan ng dukha panawagan ng mga ninunong kasama'y madla hustisyang panlipunan, karapatan ng paggawa ay dapat isapuso't diwa tungo sa paglaya minsan, kahit mumo na lang ang matira sa pinggan patuloy pa rin sa pagkilos, pakikipaglaban minsan, kahit mababad man sa araw sa lansangan gagawin ang layunin hanggang mapagtagumpayan - gregbituinjr.

Bakit may lahing pinili? Dapat wala!

"For you are a holy nation to the Lord your God. The Lord your God has chosen you out of all the nations on the earth, to be His own." - Deuteronomy 7:6 "All human beings are born free and equal in dignity and rights." - from Article 1, Universal Declaration of Human Rights (UDHR) sa bibliya nga'y may lahing pinili, dapat wala sa karapatang pantao, pantay bawat nilikha kung may lahing pinili, ibang lahi'y balewala? sa karapatang pantao, pantay-pantay ang madla! kinikilalang may dignidad kahit sila'y dukha magkaibang konsepto, ang isa'y galing sa diyos ang isa'y mula sa paglaya sa pagkabusabos subalit sinong babali sa gusto niyang taos kung Palestinong inagawan ng lupa'y binastos ang lahing pinili ba ang tutubos o uubos? lahing pinili'y pinaniwalang di magagapi kaya mababa ang tingin nila sa ibang lahi dapat walang lahing pinili, pantay bawat lahi walang Hudyo, walang Palestino, walang pinili sa ati