Ulam na tuyo't talbos

tuyo't talbos ang ulam ngayong umaga't tanghali
pinitas ang talbos sa gilid, nagbakasakali
upang kalusugan ay gumanda't mapanatili
kung binili, napitas ko'y bente pesos ang tali

ang tuyo'y pinrito, talbos ng kamote'y ginisa
mabuti't may tinanim lalo ngayong kwarantina
magsipag lang, may mapipitas ka lalo't magbunga
pag may tinanim ka'y di magugutom ang pamilya

pag nasa lungsod ka, subukan ang urban farming
kahit sa mga paso lang ay subukang magtanim
sa panahong lockdown, magsasaka'y tularan natin
maging magsasaka sa lungsod upang may makain

kayhirap man ng lockdown, parang panahon ng Hapon
magtanim ng gulay upang may mapitas paglaon
kasabihang magtanim ng kamote'y danas ngayon
kaya ito'y gawin para sa pamilya't nutrisyon

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi